MANILA, Philippines – Iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Miyerkules, Hulyo 9 na walang Filipino ang nasaktan o naapektuhan ng malawakang pagbaha sa Texas, sa Estados Unidos.
Sa huling ulat ay mayroon nang 100 katao ang nasawi sa kalamidad.
Sa panayam, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na nananatiling ligtas ang Filipino community sa Texas.
“So far walang casualty [na Pilipino]. Walang apektadong Pilipino,” aniya.
Ani De Vega, patuloy na imomonitor ng DFA ang sitwasyon.
“Ang daming namatay na mga Texan pero sagot sa tanong ninyo, may bilang zero so far,” sinabi pa ng opisyal.
Aniya, karamihan sa mga Filipino ay nakatira sa mga lugar na malayo sa sentro ng mga pagbaha.
Idinagdag pa ni De Vega na kinumpirma ni Consul General Gunther Emil Salas, pinuno ng konsulado sa Houston, na mayroong 240,000 Fiipino ang naninirahan sa Texas.
Nag-isyu na ng abiso ang konsulado sa Filipino community na manatiling alerto at mag-ingat sa mga pagbaha.
Patuloy na makikipag-ugnayan ang DFA sa mga local authority at konsulado upang masiguro ang kaligtasan ng mga Filipino sa nasabing lugar. RNT/JGC