MANILA, Philippines – Nananatiling ligtas ang mga Filipino kasunod ng retaliatory attacks mula sa Iran matapos ang airstrike ng Israel at Estados Unidos, ayon sa Department of Migrant Workers nitong Linggo ng umaga, Marso 1.
“Nakipagpulong na tayo sa ating respective embassies, ambassadors, at labor attachés on the ground patungkol sa sitwasyon ng mga Pilipino on the ground, patungkol sa sitwasyon din ng mga personnel on the ground at sa kabuuang ulat, walang Pilipino na nasaktan or malubhang apektado nitong mga pag-atake,” sinabi ni DMW Secretary Hans Cacdac sa panayam ng DZBB.
Idinagdag pa niya na patuloy na minomonitor ng pamahalaan ang sitwasyon at siniguro ang contingency plan.
Kabilang dito ang pagbibigay ng pangangailangan ng mga OFW kabilang ang pagkain, tubig at pansamantalang matutuluyan.
Inihahanda na rin ang repatriation plans, kabilang ang ligtas na transportasyon.
“Lahat naaabot at mayroon na ring mga humingi ng tulong in terms of whereabouts ng kanilang mga mahal sa buhay at lahat naman ito ay natutugunan kasama na rito ‘yung flight cancellations dito sa sarili nating bansa,” ani Cacdac.
Idinagdag pa niya na “no cause for grave alarm yet,” dahil hindi pa tumitindi ang sitwasyon sa puntong kailangan na ng repatriation. RNT/JGC