MANILA, Philippines – Walang naiulat na nasawi o nasaktan na mga Pilipino sa gitna ng patuloy na labanan sa pagitan ng Israel at Hezbollah, ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac ngayong Martes.
Sinabi ng Lebanese health ministry na hindi bababa sa 492 ang namatay at 1,645 ang nasugatan dahil sa patuloy na pag-atake ng Israeli. Kabilang sa mga nasawi ay 35 bata at 58 babae.
Ayon kay Cacdac, wala pang isang daang Pilipino ang nasa southern Lebanon, na malapit sa hangganan ng Israel.
Ang Lebanon ay nananatiling nasa ilalim ng Alert Level 3, na nangangahulugang boluntaryong pagpapauwi.
Sinabi ni Cacdac na nasa 430 Pilipino na ang naka-avail ng libreng repatriation ng gobyerno, halos isang daan sa kanila ay nito lamang Setyembre.
Hinihimok ng gobyerno ng Pilipinas ang mga Pilipino sa Lebanon na lumikas habang available pa ang mga commercial flights.
Ang pagpoproseso ng imigrasyon sa Lebanon, para sa mga mag-a-avail ng alok ng repatriation ng gobyerno ng Pilipinas, ay tatagal ng isa hanggang dalawang linggo, sabi ni Cacdac. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)