MATINDI talagang magpalusot itong si dating Speaker Martin Romualdez. Ayon sa kanya, “wala akong part sa budget” dahil daw “wala ang pirma ko sa bicam report.”
Pero teka, kung alam mo ang proseso ng budget, malinaw na hindi ito excuse.
Ang Bicameral Conference Committee (Bicam) ay hindi pa huling yugto ng budget.
Ito ay rekomendasyon pa lang. Pinag-uusapan dito kung paano pag-iisahin ang version ng Senado at Kamara. Ang pumipirma rito ay ang mga chairman ng Finance at Appropriations committees, hindi dahil sila lang ang may alam, kundi dahil sila ang inatasang maglatag ng detalye.
Ang Speaker gaya ni Romualdez noon, kahit hindi pirmahan ang bicam report, ay hindi nangangahulugang wala siyang papel dito. Sa totoo ang, siya ang pinakamakapangyarihang tao sa Kamara. Lahat ng desisyon, lahat ng galaw, dumadaan sa kanya. Walang malalaking pagbabago o “insertions” na makalulusot kung hindi ito alam o aprubado ng liderato.
Kaya malinaw: ang “walang pirma” sa bicam ay hindi excuse para sabihing “walang part.” At ang “may pirma” naman ay hindi automatic na pagsang-ayon sa lahat ng detalye. Ang mga pirma ay simbolo ng proseso, hindi ng pag-abswelto o pagdamay.
Ang tunay na tanong dito, higit pa sa kung sino ang pumirma at hindi, ay kung sino ang nakinabang. At kung may bilyon-bilyong proyekto sa flood control, farm-to-market roads, at ayuda funds na dumaan sa ilalim ng pamumuno ni Romualdez, mahirap paniwalaang “wala siyang alam.”
Kaya huwag tayong paikutin sa teknikalidad. Hindi pwedeng maghugas ng kamay sa pamamagitan ng hindi pagpirma. Kung alam niya ang nagaganap na insertions at iba pang anomalya at hindi niya ito pinigilan, malaking bahagi siya sa mga kalokohan.






