Home NATIONWIDE Walang price increase sa mga pangunahing bilihin gang Abril 16; DTI, linggo-linggong...

Walang price increase sa mga pangunahing bilihin gang Abril 16; DTI, linggo-linggong magmo-monitor – Malakanyang

128
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na mananatili ang presyo ng mga pangunahing bilihin hanggang Abril 16, 2026.

Kasunod ito ng isang kasunduan sa mga manufacturers sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) program ng gobyerno.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na una nang nakipagpulong ang DTI sa mga pangunahing manufacturers na nangakong pananatilihin na matatag ang presyo.

Ang listahan ng mga produkto na saklaw ng kasunduan ay ipalalabas ng UPLIFT para sa kaalaman ng publiko.

“Nakausap po natin kahapon si Secretary Cris Roque, at nag-report po siya sa Pangulo sa UPLIFT,” ayon kay Castro.

“Nangako po ang mga manufacturers na hindi nga po magkakaroon ng price increase hanggang April 16, 2026,”ayon kay Castro sabay sabing nangako rin ang DTO na magsasagawa ng lingguhang pagmo-monitor ng presyo ng mga panunahing bilihin.

Aniya pa, nakatakdang muling makipagpulong si DTI Secretary Cristina Aldeguer-Roque sa mga manufacturers upang matiyak na matatag ang presyo partikular na sa gitna ng tumataas na presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Gitnang Silangan.

“Nangako rin po si Secretary Cris Roque na weekly ay magmo-monitor po sila. At sa aking pagkakaalam, balak po niyang makipag-meeting muli ngayon sa mga manufacturers para po hindi tumaas ang presyo,” ang winika ni Castro.

Habang hindi maiiwasan ang global oil price hikes, siniguro ni Castro na nangako ang gobyerno na gagawa ng kinakailangang hakbang para mapagaan ang epekto sa mga consumers.

“May mga pagkakataon po talaga na hindi natin kakayaning pigilan dahil sa nangyayaring sigalot sa Middle East. Pero lahat po ng puwedeng gawin ng ahensiya ng gobyerno ay gagawin po para po hindi maging mahirap na pasanin ito sa ating mga kababayan,” ang pahayag ni Castro. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here