MANILA, Philippines – Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes, Mayo 12, na hindi sila nakatanggap ng anumang kahilingan mula sa kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nakakulong sa The Hague mula noong Marso habang naghihintay ng paglilitis para sa crimes against humanity, na naglalayong payagan siyang maging kuwalipikado para sa overseas absentee voting.
“We did not receive any request,” sinabi ni Comelec Chair George Garcia kung mayroong anumang kahilingan ang kampo ni Duterte.
Nagbigay ng reaksyon si Garcia sa pahayag ni Vice President Sara Duterte na hiniling ng mga abogado ng kanyang ama na payagang bumoto sa ibang bansa ang dating pangulo.
Ayon kay Sara, hindi pinayagan ng Comelec ang naturang kahilingan mula sa kampo ng kanyang ama.
Ang dating pangulo ay inaresto noong Marso 11 sa utos ng International Criminal Court (ICC) para sa crimes against humanity laban sa giyera kontra droga na ikinasawi ng libu-libong mga suspek sa panahon ng kanyang pagkapangulo mula 2016 hanggang 2022.
Si Duterte ay tumatakbong alkalde sa Davao City laban sa kanyang dating Cabinet secretary na si Karlo Nograles. Jocelyn Tabangcura-Domenden