MANILA, Philippines – Tinuligsa ng Commission on Elections (Comelec) nitong Martes, Mayo 13 ang tila pagsisikap na magpakalat ng maling impormasyon matapos makita ang pagkakaiba sa mga boto sa Eleksyon 2025 na na-tally at iniulat kaninang madaling araw.
Paliwanag ni Comelec Chairman George Garcia, mula sa presinto, ang resulta ng presinto ay ipinapadala na parang text messaging.
Ito ay naka-group texting, pinapadala sa Comelec, sa PPCRV, sa NAMFREL, sa majority party, sa minority party, at sa media.
May kanya-kanya ring server kung saan naipapadala ang resulta.
Nangangahulugan aniya na ang mga nakikitang inilalabas ng Comelec sa kanilang website ay mula sa presinto pero ito ay unofficial sa kasalukuyan.
Halimbawa ayon kay Garcia, apat na entity ang tumatanggap ng parehong data. Gayunpaman, maaaring hindi iulat ng iba pang tatlo ang buong data, at gagawin lamang ito nang bahagya.
Pero aniya, hindi nangangahulugan na mali ang inilalabas nila.
Sinabi rin ni Garcia na hindi naglalabas ang Comelec ng ranking ng mga nangungunang kandidato.
Dagdag pa, ang Comelec ay hindi nagsusuma-total at hindi nila alam kung sino ang nakalalamang o kung sino ang number 1 hanggang number 12 o kung sino man ang mga nananalo sa pagka-senador sapagkat hindi aniya sila puwedeng mag-ranking.
“Ngayon, kung may lumabas kaninang madaling araw, tanungin po natin, kanino ba nanggaling po ‘yon?” sabi ni Garcia.
“Kasi kung ang nakalagay lang do’n is Halalan 2025, ni walang entity nakalagay, ni wala man lang kanino nakalagay, aba’y isa lang ang ibig sabihin. May nagmi-misinform o nagmamaneobra nu’ng nilalabas na resulta para sa public perception lang. Hindi ‘yan galing sa mga entities na nakatanggap talaga ng result mula sa presinto,” sinabi pa ni Garcia. Jocelyn Tabangcura-Domenden