MAIIMADYIN n’yo ba, mga Brod, kung ano ang mangyayari sa inyong katawan kung wala kayong tulog sa loob ng isang linggo?
Kapag nasugatan o nagkasakit kayo naman at pang-ospital ang inyong sugat at sakit ngunit sarado ang ospital at walang gamot, maiimadyin din ba ninyo kung ano ang mangyayari sa inyo?
WALANG TULOG
Para sa isang milyones nang bakwit at hindi bakwit ngunit binobomba ng Israel ngayon sa Lebanon, ‘yang kawalan ng tulog ang napakalaking problema.
Pinag-uusapan natin ang South Lebanon at lalong lalala ang sitwasyon sa paglawak nito, lalo’t hindi sinasanto ng Israel maging ang sentro ng Beirut at norteng bahagi ng bansa.
Lalo na ang mga pinagmumulan ng mga rocket ng mga Hezbollah na naroroon sa norte.
Sa south Lebanon na roon matatagpuan ang Tyre City at iba pang mga bayan, wala nang tao dahil nagbakwit na lahat patungong norte.
Sa pagbabakwit, napakabagal dahil sa rami ng mga sasakyan na tumatakbo at pag-iwas sa mga patay sa kalsada, wasak na kalsada sa bomba at nakabalandrang mga bahagi ng mga nawasak na bahay dahil sa mga bomba.
Pagdating mo sa evacuation area, hindi makatulog ang mga tao, maging ang mga hindi bakwit dahil sa mga bomba na bumabagsak malapit sa kanila.
Napakalalakas din ang huni ng mga rocket na pinakakawalan ng mga Hezbollah at sa mga lugar na may pinakakawalang rocket, ginagantihan din ng Israel.
WALA NANG MAGAWA
Dahil sa kawalan ng tulog na kinambalan ng nawalang hanapbuhay, ano sa palagay ninyo ang mangyayari sa mga tao?
Nagsimula na ring kapusin ang mga tao ng pagkain, tubig, gamot, paliguan, hygiene kit lalo na sa kababaihan at kawalan ng masisilungan kundi mga tent.
Nabubuhay na lang ang milyones sa rasyon mula sa loob at labas ng Lebanon.
Sino ang makatitiis ng lahat ng ito?
OSPITAL NAGSASARA, DOKTOR LUMALAYAS
May apat nang ospital ang nagsara, pribado at publiko, at kulang-kulang sa 37 iba pang medical facility.
Kasama sa mga nagsara ang Marjayoun Hospital, Saint Therese Hospital, Tebnine Hospital at Salah Ghandour hospital.
Bukod sa binobomba ang mga ito ng Israel, lumalayas na rin ang mga doktor makaraang may mamatay na 28 health worker, kasama ang mga doktor, ayon sa ulat mismo ni World Health Organisation Director Deneral Tedros Adhanom Ghebreyesus.
Ayon naman kay Lebanon Health Minister Firass Abiad, 97 rescue workers, 40 rito ang paramedic at bumbero, ang nasawi.
Hindi sinasanto ng Israel ang mga ospital at ambulance sa katwiran ginagamot umano ang mga ito ang mga nasusugatang Hezbollah.
PINOY NA MAGBABAKWIT
Dapat na talagang mabilisang kumilos ang gobyerno sa pagsagip sa mga Pinoy sa Lebanon na gustong umuwi o aalis sa Lebanon patungo sa mga ligtas na lugar.
Ang ibang mga bansa, gumagamit na ng mga military plane at barko sa pagbabakwit ng kanilang mga mamamayan.
Hanggang saan na ba ang ginagawa ng gobyerno para sa pagbabakwit?






