MANILA, Philippines — Suspendido ang face-to-face classes sa ilang bahagi ng Metro Manila at mga lalawigan sa Luzon ngayong Biyernes, Agosto 28, dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat.
Naglabas ng magkakahiwalay na anunsyo ang mga lokal na pamahalaan bilang pag-iingat sa mga mag-aaral at guro habang nagpapatuloy ang masamang panahon.
Sa Metro Manila, suspendido ang face-to-face classes sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa Caloocan, Malabon, Quezon City, Mandaluyong, Manila, Marikina, Muntinlupa, Parañaque, Pasay, San Juan, Taguig at Valenzuela.
Sa Pateros, sakop ng suspensyon ang Child Development Centers hanggang Senior High School.
Sa Quezon City, kinumpirma ng lokal na pamahalaan ang suspensyon ng face-to-face classes sa Child Development Centers, Kindergarten, Grades 1 hanggang 12 at Alternative Learning System o ALS. Lilipat ang mga mag-aaral sa Alternative Delivery Modes, habang nasa desisyon ng kani-kanilang paaralan ang klase sa higher education institutions.
Sa Bataan, suspendido naman ang face-to-face classes mula preschool hanggang Grade 12, kabilang ang ALS. Ang mga paaralan ang magpapasya kung magsasagawa ng online classes.
May suspensyon din sa Benguet, kabilang ang Kibungan mula preschool hanggang Senior High School at Atok mula preschool hanggang elementarya.
Sa Pangasinan, kabilang sa mga nagkansela ng face-to-face classes ang Aguilar, Binmaley, Bugallon, Infanta at Lingayen.
Sa Bulacan, kabilang sa pinakahuling tala ang Malolos at Pulilan, habang sa Pampanga ay may suspensyon sa Angeles City, City of San Fernando, Santo Tomas, Minalin, Macabebe at ilang paaralan sa Mexico at Apalit. Suspendido rin ang face-to-face classes sa San Simon maliban sa Concepcion Integrated School.
Pinapayuhan ang mga magulang at mag-aaral na patuloy na bantayan ang opisyal na anunsyo ng kani-kanilang LGU at paaralan dahil maaaring madagdagan o mabago ang listahan ng mga suspendidong klase. RNT