MANILA, Philippines — Patuloy na magdadala ng pag-ulan ang Southwest Monsoon o Habagat sa malaking bahagi ng Luzon at ilang bahagi ng Visayas ngayong Biyernes, Agosto 28, habang binabantayan ng PAGASA ang low pressure area (LPA) sa silangan ng Extreme Northern Luzon.
Samantala, patuloy na nakaaapekto ang Habagat sa Luzon at kanlurang bahagi ng Visayas.
Inaasahan ang paminsan-minsang pag-ulan sa Benguet, La Union, Pangasinan, Zambales, Bataan at Occidental Mindoro.
Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms naman ang mararanasan sa Metro Manila, nalalabing bahagi ng Luzon, Western Visayas at Negros Island Region.
Nagbabala ang PAGASA sa posibleng flash floods at landslides sa mga lugar na makararanas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
Sa nalalabing bahagi ng bansa, magiging bahagyang maulap hanggang maulap ang kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms dulot ng localized thunderstorms.
Naglabas din ang PAGASA ng rainfall advisory alas-11 ng gabi nitong Huwebes para sa ilang bahagi ng Northern Luzon, kung saan inaasahan ang mahina hanggang katamtaman at paminsan-minsang malakas na pag-ulan sa ilang lugar.
Pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga nakatira sa mabababang lugar at gilid ng bundok, na maging alerto sa posibleng pagbaha, flash flood at landslide at patuloy na bantayan ang mga susunod na weather bulletin ng PAGASA. RNT