DAPAT bang itigil na ng Impeachment Court ang pagdinig sa Article 1 o Misuse o Maling Paggamit ng Confidential Fund ni Vice President Sara Duterte?
Binubuo ang nasabing pondo ng P500 milyon para sa Office of the President at mahigit P100 milyon para sa Department of Education na noo’y pinamunuan ni VP Sara noong Hulyo 4, 2022 hanggang magbitiw siya noong Hulyo 19, 2024.
Sa kabuuan, sinasabi ng prosekusyon na nilustay umano ni VP Sara ang nasabing mga confidential fund nang buo o bahagi nito at mas masahol pa, personal itong nakinabang dito.
Nilustay umano dahil sa mga kuwestiyunableng mga dokumento na nagpapatunay ng pinagkagastusan at binitiwan ang mga kabuuang salapi sa hindi awtorisadong tao o unbonded, sa katauhan ni Col. Raymund Dante Lachica na dating pinuno ng Vice Presidential Security and Protection Group.
Nang ipasa ng mga Special Disbursing Officer ng OVP at DepEd ang mga salapi kay Lachica ang mga pondo, nag-isyu ang Commission on Audit (COA) ng Notice of Disallowance at sinabing “prima facie” o malinaw na palatandaan ito ng maaaring personal na paggamit o benepisyo ni VP Sara.
Mula sa Audit Observation Memorandum, hindi na binigyan ng COA si VP Sara ng pagkakataon na magpaliwanag at nagpalabas ng Notice of Disallowance.
LACSON: HULA-HULA LAHAT
Kamakalawa, gaya ng inaasahan, hayagang sinabi ni Senator-Judge (SJ) Ping Lacson na nanatiling hula-hula ang lahat kung saan napunta talaga ang mga salapi dahil sa kawalan bilang testigo ni Lachica.
Walang nakaaalam kung nilustay o ibinulsa ang mga salapi.
Para magkaroon kalinawan, dapat umanong matawag sa Impeachment Court si Lachica at masubpoena duces tecum ang mga kaukulang dokumento rito.
Ipinaubaya naman ni Presiding Officer Chiz Escudero sa mga prosekusyon at depensa kung ipatatawag nila si Lachica bilang saksi nila.
Habang tinitipa ito, mga Bro, hindi pa nakapagdedesisyon, lalo na ang prosekusyon na nagbibintang ng paglustay at pagbulsa ng confidential fund, kung ipatatawag bilang saksi nila si Lachica na nagsasabing handa siyang maglabas ng katotohanan.
ZUBIRI: ALANGANIN SA PAGDEDESISYON NANG WALANG PINAL NA COA DECISION
Tahasan namang sinabi ni SJ Migz Zubiri na alanganin ang sinomang senador-judge sa pagbubuo ng desisyon kung nilustay o ibinulsa ang confidential funds dahil sa kawalan hanggang ngayon ng pinal na desisyon ang COA.
Gabay sana umano ng mga SJ ang pinal na desisyon sa pagdedesisyon.
Sinabi naman ni Escudero na hindi pupwedeng pilitin ang COA na gumawa ng desisyon sa panahong kinakailangan ng mga SJ dahil independent constitutional body ang COA, bukod pa sa dumaraan ang posisyon ng depensa sa proseso ng Motion for Reconsideration at Appeal sa COA, sa darating na Oktubre pa mapapaso ang karapatan ni VP Sara na sumagot sa COA.
GUSTO LANG SIRAAN
Para sa ating Uzi, batay sa mga pahayag nina Lacson at Zubiri, lumilitaw na kung gusto pa ring ipagpatuloy ng prosekusyon ang Article 1, hanggang paninira na lamang kay VP Sara ang lahat dito.
Lumitaw na walang malinaw, matatag, ligal at konstitusyonal na batayan ang lahat ng akusasyon ng paglustay at pagbulsa ni VP Sara sa mga pondo.
Ano sa palagay ninyo, mga Brod?






