MANILA, Philippines — Suspendido ang face-to-face classes sa ilang lugar ngayong Lunes, Setyembre 21, dahil sa magkakaibang dahilan kabilang ang mga aktibidad kaugnay ng ika-54 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law, usapin sa school safety at hindi magandang kalidad ng hangin.
Sa Lungsod ng Maynila, suspendido ang face-to-face classes sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan. Inabisuhan ang mga paaralan na lumipat sa Alternative Delivery Mode (ADM) dahil sa inaasahang malalaking pagtitipon, road closures at epekto sa trapiko kaugnay ng mga aktibidad ngayong Setyembre 21.
Sa Cebu, suspendido rin ang face-to-face classes sa lahat ng antas sa public at private schools sa Cebu City dahil sa “acutely unhealthy” air quality. May suspensyon din sa Talisay City, Toledo City, Naga City at Mandaue City, bagaman magkakaiba ang saklaw sa public at private schools.
Sa South Cotabato, suspendido ang klase sa lahat ng antas sa public at private schools sa Banga kasunod ng pamamaril sa Banga National High School. Suspendido rin ang face-to-face classes mula elementary hanggang senior high school sa Surallah.
Wala ring face-to-face classes sa lahat ng antas sa public at private schools sa Lebak, President Quirino at Senator Ninoy Aquino sa Sultan Kudarat, kung saan lilipat sa modular Alternative Delivery Mode ang mga mag-aaral.
Pinapayuhan ang mga estudyante at magulang na bantayan ang opisyal na anunsyo ng kani-kanilang local government units at paaralan sakaling magkaroon ng karagdagang suspensyon.