MANILA, Philippines – Suspendido pa rin ang klase ngayong Lunes, Nobyembre 4 sa ilang bahagi ng Camarines Sur dahil sa epekto ng hagupit ng bagyong Kristine.
Sa memorandum, sinabi ni Governor Vincenzo Renato Luigi Villafuerte na umiiral pa rin ang class suspension mula Oktubre 22, bagamat maaari nang magbalik sa klase ang ilang mga paaralan batay sa assessment ng mga opisyal at school heads sa kanilang mga nasasakupan.
Aniya, ang kanilang desisyon ay dapat ikonsidera ang accessibility, kondisyon ng klasrum, at kahandaan ng mga faculty at estudyante.
Samantala, pinalawig pa ni Naga City Mayor Nelson Legacion ang suspensyon ng klase sa mga paaralan mula Nobyembre 4 hanggang 10, “to allow relief and recovery operations and provide the community the time needed to begin healing and stabilization.”
Posibleng sa Nobyembre 11 na muling magbukas ang klase ngunit naka-depende pa rin ito sa assessment ng mga pamunuan ng paaralan.
Samantala, hinimok ni Legacion ang mga magulang at guro na tumulong sa clearing at paglilinis ng mga binahang classroom.
Matatandaan na umabot sa 45 ang nasawi sa Camarines Sur dahil sa malawakang pagbaha dulot ng bagyong Kristine.
Sa ngayon ay mayroon pa ring 24 barangay ang lubog sa baha sa Camarines Sur, ayon kay OCD Bicol spokesperson Gremil Alexis Naz.
Nasa 69,192 pamilya, o 285,468 indibidwal ang nananatili sa evacuation centers. RNT/JGC