Home NATIONWIDE Walk for Life isinagawa bilang pagpapakita ng kahalagahan ng buhay

Walk for Life isinagawa bilang pagpapakita ng kahalagahan ng buhay

MANILA, Philippines – Ang taunang Walk for Life ay isang pambihirang pagkakataon upang maipamalas ng lahat ang sama-samang paninindigan sa kasagraduhan ng buhay, ayon kay Novaliches Bishop Roberto Gaa, chairman ng CBCP- Episcopal Commission on Vocations (ECV) kaugnay sa nakatakdang Walk for Life 2024 sa ika-17 ng Pebrero, 2024.

Sinabi ng Obispo na ang taunang gawain ay isang pagkakataon upang tuwinang maipamalas ng Simbahan ang pakikipaglakbay nito patungo sa iisang layunin na isulong ang karapatan, kasagraduhan at dignidad ng buhay ng bawat nilalang sa lipunan.

Napiling tema ng “Walk for Life 2024” ang “Together, We Walk for Life” na nakatakda sa ika-17 ng Pebrero, 2024 mula alas-kwatro ng madaling araw hanggang alas-otso ng umaga.

Magsisimula ang paglalakad para sa buhay sa Welcome Rotonda, Quezon City patungo sa University of Santo Tomas (UST) Grandstand sa España, Manila kung saan inaasahang pangungunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang pagdiriwang ng banal na misa.

Inaasahan din ang pakikibahagi sa aktibidad sina CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David; CBCP-Episcopal Commission on the Laity Chairman, Dipolog Bishop Severo Caermare; at Novaliches Bishop-emeritus Antonio Tobias. Jocelyn Tabangcura-Domenden