MANILA, Philippines – NAGSASAGAWA ng malawakang “manhunt operation” ang mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) laban sa isang SoKor national na wanted sa kanyang sariling bansa dahil sa kasong pandarambong, makaraang magawa nitong takasan ang mga bantay nitong awtoridad nang dumalo ito sa isang pagdinig sa korte na may kinalaman sa kinakaharap nitong kasong estafa sa bansa.
Kinilala ng BI ang lalaking dayuhan na si Na Ikhyeon, 28, na pinaghahanap sa Korea dahil sa kanyang pagkakasangkot sa isang mapanlinlang na pamumuhunan.
Sinabi ng mga awtoridad sa South Korea na niligaw ni Na ang kanyang mga kababayan sa pamamagitan ng pag-uutos sa kanila na mamuhunan sa mga gawa gawa lamang na account kung saan siya at ang kanyang mga kasosyo ay nag-withdraw o kinuha ang mga nasabing puhunan at ginamit para sa kanilang personal na pakinabang.
Napag-alaman sa BI na si Na ay dati nang inaresto noong Mayo 31, 2023 at ikinulong sa pasilidad ng BI habang hinihintay ang kanyang deportasyon.
Gayunpaman, ipinagpaliban ang kanyang deportasyon habang hinihintay ang pagresolba ng kasong estafa na isinampa ng isang Pinay laban sa kanya sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Nabatid sa complainant na isang may-ari ng isang maliit na negosyo ng alahas, nag-consign umano si Na ng ilang mga alahas bilang isang ahente ngunit nabigo na i-remit ang buong halaga ng mga benta sa kabila ng ilang mga kahilingan.
Dahil sa estafa na kinakaharap ni Na, dumalo ito sa isang pagdinig noong Marso 4, ngunit nagawa niyang matakasan ang mga awtoridad gamit ang banyo ng korte.
Agad namang nag-utos si BI Commissioner Joel Viado ng manhunt laban sa suspek, na nagawang tumakas sa kabila ng presensya ng kanyang abogado.
“We are investigating if his counsel has knowledge of this seemingly pre-planned incident,” ani Viado. “We have also assigned a special tracker team to locate him and again take custody,” dagdag pa ng opisyal.
Ibinahagi ni Viado na iniulat ng tracker team na mayroong solidong lead laban sa suspek. Dagdag pa niya, sasampahan nila ng kaso ang mga posibleng tumulong kay Na sa insidente.
Samantala, naaresto din ng mga tauhan ng BI ang isang Chinese national na itinuturing na money launderer para sa mga ilegal na POGO.
Kinilala ng BI ang naarestong dayuhan na si Wang Zhouyu, 35, ay inaresto sa kahabaan ng Roberts St. sa Pasay City ng mga operatiba ng fugitive search unit noong Marso 4.
Nabatid sa BI na itinuturing na undesirable alien si Wang matapos ipaalam sa BI ng mga awtoridad ng China na mayroon itong standing warrant of arrest na inisyu ng Qinhuangdao Public Security Bureau dahil sa kasong Fraud na Paglabag sa Artikulo 82 ng PRC Criminal Procedure Law.
Si Wang at ang kanyang mga kasamahan ay iniulat na nagtatag ng isang network na malalim na nasangkot sa mga aktibidad sa money laundering, at nakikipag-coordinate sa iba pang mga grupo ng pandaraya na nakabase sa mainland China upang mapadali ang serbisyo sa paglilipat ng pondo ng kanilang mga ilegal na kita.
Ayon sa BI, natunton ng mga dayuhang awtoridad ang mga transaksyong pinansyal na nagkakahalaga ng CNY 19 milyon na nauugnay sa 23 mga kasong kriminal. Si Wang ay iniulat bilang isang money launderer ng mga ilegal na operasyon ng POGO at mga scam hub sa bansa, na tumutulong sa kanila sa ipinagbabawal na paggalaw ng mga pondo.
Si Wang ay nakakulong at nasa pasilidad ng BI sa loob ng Camp Bagong Diwa, Taguig habang hinihintay ang kanyang deportasyon. JR Reyes