ISABELA, Philippines – Arestado ang tinaguriang Top 9 Most Wanted Person (regional level) sa region 2 na may kasong pagpatay matapos isilbi ang kanyang warrant of arrest ng kapulisan sa Sitio Dipugpug, Brgy. Del Pilar, San Mariano, Isabela.
Kinilala ang suspek na si alias “Nald”, 28 taong gulang na pawang residente ng nabanggit na lugar.
Ayon kay PCol. Lee Allen B. Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ay naaresto sa bisa ng Mandamiento De Aresto na nilabas ng isang Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 17, Lungsod ng Ilagan, Isabela, na walang nirerekomendang pyansa.
Pinangunahan ng 4th Platoon, 1st Isabela Provincial Mobile Force Company (1st IPMFC) ang operasyon katuwang ang San Mariano Police Station, Regional Intelligence Unit 2 (RIU2), Provincial Intelligence Unit- Isabela PPO, at 201st Company, Regional Mobile Force Battalion 2 (RMFB2).
Patunay ng mahigpit na kampanya ng kapulisan laban sa mga kriminal at pugante ng batas.
“Ang pagkakaaresto kay alias Nald ay resulta ng mas pinaigting na intelligence-driven operations at walang sawang pagtutulungan ng ating mga yunit sa kapulisan. Patuloy nating sisiguraduhin na ang mga may sala ay haharap sa batas upang maihatid ang hustisya sa mga biktima para sa katahimikan sa ating mga komunidad,” dagdag na pahayag ni PCol. Bauding.
Pansamantala nasa kustodiya ng San Mariano Police Station ang akusado para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon. (REY VELASCO)