Home METRO Wanted SoKor national nasakote ng BI

Wanted SoKor national nasakote ng BI

MANILA, Philippines- Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean national na pinaghahanap ng mga awtoridad sa kanyang bansa dahil sa pagkakasangkot sa mapanlinlang na investment scam.

Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang pugante na si Chu Hoyong, 35-anyos, na inaresto noong Miyerkules sa kanyang tirahan sa kahabaan ng Cruzada St. sa Makati City ng mga operatiba mula sa fugitive search unit (FSU) ng BI.

Inihayag ni Viado na inaresto si Chu sa bisa ng isang mission order na inilabas niya sa kahilingan ng South Korean government na nag-ulat ng kanyang presensya at mga ilegal na aktibidad sa bansa.

“We were informed that aside from investment scams he is also involved in telecommunications fraud which he possibly operated while staying in the country,” ani Viado.

Ayon kay Viado, ang Koreano ay napapailalim sa dalawang warrant of arrest na inisyu ng mga korte sa Korea kung saan siya ay kinasuhan sa pagsasagawa ng mga mapanlinlang na pakana na nabiktima sa marami sa kanyang mga kababayan.

Sinabi ni Viado na priority ang pagpapatapon kay Chu kaya maaaring ma-blacklist siya at ma-ban sa muling pagpasok sa bansa.

Ibinunyag ng BI-FSU na si Chu ay inisyuhan ng arrest warrant ng Bukbu district court sa Seoul noong Abril 12, 2022 matapos siyang akusahan ng pandaraya sa pamamagitan ng pagbibigay ng walang kwentang collateral para sa mga pautang na nakuha niya mula sa mga biktima na ang pinagsamang pagkalugi ay umabot sa 2.26 bilyong won o humigit-kumulang US$1.4 milyon.

Isa pang warrant ang inilabas laban sa Koreano ng Seoul district court noong Enero matapos siyang sampahan ng panibagong kaso ng Fraud para sa umano’y panloloko sa mga biktima na nalinlang sa pagpapahiram sa kanya ng higit sa 76.4 million won o humigit-kumulang US$53,000 sa pangakong babayaran niya sila ng mga cryptocurrencies.

Nabatid na si Chu ay itinuturing na high-value target ng mga Korean authorities na naghihinala sa kanya bilang may mga kaugnayan sa telecom fraud syndicates na tumatakbo sa Pilipinas.

Batay sa kanyang travel record, lumabas na siya ay overstaying dahil ang huling pagdating niya sa bansa ay noong Marso 13, 2022.

Si Chu ay kasalukuyang nakakulong sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang deportation proceedings. JR Reyes