MANILA, Philippines- Arestado ang isang 47-anyos na lalaki matapos lumabas sa kanyang aplikasyon para sa police clearance ang kanyang criminal record.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Lt.Col Marlon Mallorca, hepe ng MPD Delpan Station, na ang suspek ay isang customs security guard at residente ng Tondo, Manila.
Kumukuha umano ito ng police clearance nang lumabas ang record na mayroon itong outstanding arrest warrant para sa “Acts of Lasciviousness.”
Ang warrant ay inisyu ng Metropolitan Trial Court (Branch 20) noong May 6, 2014 na hindi pa maresolba sa loob ng ilang taon.
Siya ay umiiwas sa batas hanggang sa maberipika ang kanyang pagkakakilanlan sa proseso ng aplikasyon ng clearance.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Delpan Police Station at nakalista bilang isa sa “Other Wanted Persons” (OWP) sa ilalim ng watchlist ng MPD.
Ayon sa MPD, ang pag-aresto sa suspek ay nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng mga modernong sistema sa pagtuklas at pag-aresto sa mga indibidwal na may mga rekord ng kriminal, kahit na ang mga maaaring sumubok na umiwas sa batas sa loob ng maraming taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden