Home NATIONWIDE War on drugs ipinagtanggol ni Bato: ‘Misyon mula sa Diyos’

War on drugs ipinagtanggol ni Bato: ‘Misyon mula sa Diyos’

MANILA, Philippines – Sa kabila ng namimintong pagdakip sa kasong crimes against humanity ng International Criminal Court (ICC) muling ipinagtanggol ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang war on drugs ng Duterte administration na kumitil ng mahigit 30,000 indibiduwal kasama ang ilang inosenteng menor de edad.

Sa kanyang campaign trail sa Quezon City nitong Linggo,itinuturing ni Dela Rosa na pawang “destiny” o kapalaran niya kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang inilunsad ng Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel.

Aniya, wala silang personal na nakamit sa war on drug kundi sugpuin ang paglaganap ng droga sa bansa na muntikan nang maging narco state.

“Bakit ginawa namin ni President Duterte yung war on drugs? Ginawa namin yun, hindi para kami yumaman, hindi para kami magka-pera,” ani Dela Rosa sa dumalo sa PDP-Laban grand rally sa Barangay Pinuahan, Quezon City.

“Ginawa namin yun para maisalba ang kinabukasan ng mga kabataan sa iligal na droga,” ayon kay Dela Rosa.

Nagsilbi si Dela Rosa bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) sa panahon ng administration ni dating Pangulong President Rodrigo Duterte at siya ang tumayong chief implementer ng war on drugs.

Sa naturang kampanya, libu-libong Filipino ang napatay – karamihan ay pawang mahihirap at walang naganap na due process ngunit kasama ni Duterte at pamilya nito ang ilang pinaghihinalaang bigtime drug lords.

Hanggang ngayon nakakulong sa The Hague sa kasong crimes against humanity, hindi pa humihingi ng paumanhin si Duterte sa war on drugs.

Inaresto si Duterte nitong Marso sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng ICC.

Ayon kay Dela Rosa, tugon ang madugong war on drugs sa hinalang nakokontrol ng drug lords ang local at nasyunal politics sa pamamagitan ng pagbibigay ng campaign funds.

“Muntik na tayong naging narco-state. Sila na ang nagde-desisyon kung sino pwede maging gobernador, kongresista, o mayor,” aniya.

Binanggit din ni Dela Rosa ang kanilang usapan ni Duterte noon “Sabi niya, ito isang beses lang ako maging presidente, at ikaw rin, isang beses ka lang maging Chief PNP. We will never pass this way again. Ito ang destiny natin.”

Aniya, nahalal si Duterte dahil may misyon siya sa Itaas tulad ng pagsugpo ng droga, krimen at korapsiyon.

“Ang droga, hindi dapat binibili yan. Walang distinctive approach pagdating sa bumibili ng droga,” aniya.

Noong nakaraang linggo, inihayag ni Dela Rosa na nakahanda na siyang magpakulong sa The Hague sakaling may warrant of arrest na idudulog sa kanya hinggil sa kasong crimes against humanity tulad ni Duterte.

“Kaya ako, I’m ready to go any time. Ang buhay ko’y nakataya na, naka-kasa na. Any time, pwede akong mamalasin dahil sa aking adbokasiya na ito. Pero never si Bato aatras sa laban na ito, I tell you,” aniya. Ernie Reyes