MANILA, Philippines – Ipinagpaliban ng House Quad Committee (QuadComm) ang pagdinig nito sa Nobyembre 13 sa madugong drug war sa gitna ng patuloy na pag-verify ng mga testimonya ng mga testigo.
Ayon kay QuadComm chairmen Representaives Robert Ace Barbers ng Surigao del Norte, Dan Fernandez ng Santa Rosa, Laguna, at Benny Abante, ang desisyon na ipagpaliban ang pagdinig ay napagkasunduan nitong Lunes, Nobyembre 11.
“We want our witnesses to issue affidavits and after they executed their affidavits, we need to vet them. Kasi ang daming gustong tumestigo before the QuadComm, we deemed it best to evaluate, interview the witnesses first, see who is credible, ” sabi ni Barbers sa isang press conference ngayong Martes.
Ang susunod na QuadComm probe ay itinakda para sa Nobyembre 21.
Inimbitahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte na dumalo sa ipinagpaliban na pagdinig sa Nobyembre 13.
Sa isang press conference sa Davao City noong nakaraang linggo, sinabi ni Duterte na wala na siyang dapat ipaliwanag tungkol sa drug war ng kanyang administrasyon at wala siyang sapat na pera para pumunta sa Maynila para harapin ang QuadComm.
Ngunit ayon kay Barbers, handang balikatin ng komite ang mga gastos sa paglalakbay at tirahan ni Duterte at ng kanyang delegasyon. RNT