MANILA, Philippines – Pinamamadali na ng kampo ng dating mambabatas at kandidato sa pagkapangulo na si Walden Bello sa Department of Justice (DOJ) na lutasin ang kanyang petisyon na suriin ang kanyang kaso sa cyber libel.
Sa limang pahinang manifestation na inihain sa DOJ, hiniling ni Bello sa Justice Department na bigyang pansin ang manifestation at resolbahin ito sa kanyang pabor.
“Due to the inaction on this petition for review, despite two previous motions to resolve the same, respondent-appellant has been robbed of a remedy aimed at protecting those accused from senseless persecution,” saad dito.
Idinagdag nito na ang July 2022 petition for review ni Bello ay ibinasura sa kadahilanang walang kalakip na proof of service at walang motion to defer arraignment sa petisyon.
Gayunpaman, sinabi nitong hindi pinansin ng DOJ ang registry receipt at affidavit of service na isinumite kasama ng petisyon.
“Worse, the Honorable Office failed to appreciate the fact that when the Petition for Review was filed, respondent-appellant had not yet posted bail and, therefore, could not have filed yet a motion to defer arraignment,” aniya pa na nakasaad sa manipestasyon.
Samantala, sinabi nitong dapat isantabi ang tuntunin na nagsasaad na ang mga apela na inihain pagkatapos ng arraignment ay hindi na dapat bigyan ng tamang kurso.
Si Bello ay inaresto noong Agosto ng nakaraang taon kaugnay sa kasong cyber libel na isinampa laban sa kanya ng isang dating opisyal ng Davao City. Nakalaya siya makalipas ang isang araw matapos magpiyansa. RNT