Home NATIONWIDE Zubiri target magretiro na sa 2028

Zubiri target magretiro na sa 2028

MANILA, Philippines – Pinag-iisipan ni Senate President Juan Miguel Zubiri na magretiro na sa 2028 – ang taon ng pagtatapos ng ikalawang sunod na anim na taong termino niya sa Senado.

“I really can’t run anymore because I’m with my second consecutive term. I’m not looking at higher office,” ani Zubiri sa isang panayam ng ANC.

“Walang nahahalal na vice president at president na mestizo na ganito, walang nahahalal na ganito. At this point in time, I have no political ambitions, I’m looking forward to my retirement in 2028. By 2028, I would have been 25 years in elected office. Having ran in so many elections, pagod na rin ako,” dagdag pa ng senador.

Sinabi ni Zubiri na nagsimula siyang maging isang pampublikong opisyal sa edad na 28, at limang taon mula ngayon, gusto lang niyang makasama ang kanyang pamilya.

“Panahon na ngayon para magbalik-tanaw at alagaan ang mga anak ko na magbibinata sa mga panahong iyon. At [kaya gagawin ko] ang aking makakaya sa susunod na limang taon para sa ating mga tao. I think that is what is important because I tell my colleagues, wala akong ambisyon,” ani Zubiri.

Idinagdag niya na ang pagpapanatili ng kalayaan ng Senado ang kanyang magiging pamana.

“Nandito lang ako para protektahan ang institusyon dahil naniniwala ako sa Senado. Talagang naniniwala ako sa Senado bilang huling balwarte ng demokrasya ng ating bansa. Kailangan natin ang Senado, at kailangan natin ng malakas na Senado,” dagdag pa niya.

Samantala, inamin ni Zubiri na may mga isyu na kinasasangkutan ng kagandahang-asal sa Senado, tulad ng pagsusuklay ng bigote ng isang senador sa gitna ng public hearing o pagluhod sa harap ng mga resource person para pilitin silang magsabi ng totoo.

Nauna nang sinita ni dating Senate President Franklin Drilon ang isyu sa Senate decorum.

“May mga pinuno noon sa Senado na ibina-bash ka sa plenary floor kapag nagkamali ka ng ganyan. Ako, personal, tinatawag ko sila ngunit sa isang mas maganda, mas palakaibigan at mas consultative note. I suspend the session, kinakausap ko sila, ‘That is not right, Senator.’ Kasi at the end of the day, lahat sila elected officials,” dagdag pa ni Zubiri.

”Binigyan sila ng mandato ng sambayanang Pilipino na maglingkod sa Senado. Kailangan lang nating ayusin ito. Sinabi ko sa kanya (Drilon), kinikilala namin ang mga pagkakamali, at gagawa kami ng mas mahusay. Sana, sa pagpasok nitong bagong pangalawang regular na sesyon, makakita ka ng mas maliwanag, mas masigla at napakasipag na Senado,” dagdag pa niya.

Binuksan ng Kongreso ang ikalawang regular na sesyon nito sa Hulyo 24.