MANILA, Philippines – Nilusob ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group ang isang warehouse sa Isabela dahil sa pagbebenta ng recycled cooking oil.
Nadiskubre ng mga awtoridad ang illegal na operasyon at nakumpiska ang galon-galong gamit na mantika na nagkakahalaga ng P3.5 milyon.
Sa halip kasi na itapon nang tama, ang mantika ay ipinoproseso pa para magmukhang bago at maibenta sa publiko.
Kinumpirma ni CIDG Director Police Major General Nicolas Torre III na ang mga recycled na mantika ay nanggaling sa isang kilalang fast-food chain at ipinoproseso ng third-party entity.
“Imbes na itapon, or i-dispose ang ginagawa ay nire-recylce. May mga third party contractors kasi na nagdi-dispose talaga niyan,” dagdag ni Torre.
Mahigpit na tinututukan ng Food and Drug Administration ang kaso.
Sa pag-aaral ng World Health Organization, ang paulit-ulit na pagkonsumo ng gamit na cooking oil ay nagpapataas ng banta ng type 2 diabetes, liver disease at cardiovascular diseases.
“Kailangan lahat ng ating ibinebenta ay dumaan sa kanila for inspection muna, any violations of those regulations we just can’t imagine there could be immediate complications there could be long term complications,” pagtatapos ni Torre.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Food and Drug Administration Act of 2009, Consumer Act of the Philippines, at Food Safety Act. RNT/JGC