MANILA, Philippines – Hindi makakaapekto sa pagtestigo sa International Criminal Court (ICC) ni dating PCSO General Manager Royina Garma ang paglabas ng kanyang warrant of arrest, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Giit ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, kahit may warrant laban kay Garma para sa kasong murder at frustrated murder kaugnay ng pagkamatay ni dating PCSO board secretary Wesley Barayuga ay maari pa rin siyang tumestigo laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Remulla, kung nasa abroad si Garma ngayon, posibleng hindi na umano ito bumalik sa Pilipinas at dumiretso na lamang sa ICC para tumestigo.
Dagdag pa ni Remulla, hihingi sila ng koordinasyon sa Bureau of Immigration (BI) para mamonitor pa rin ang kinaroroonan ni Garma.
Inisyu ang warrant of arrest laban kay Garma ng Mandaluyong City Regonal Trial Court Branch 279 noong Setyembre 13.
Kasama sa pinaaresto ng korte si retired police officer Edilberto Leonardo gayundin sina Jeremy Causapin, Santie Mendoza at Nelson Mariano.
Maalala na si Barayuga na dating police brigadier general at isang abogado ay binaril noong Hulyo 30, 2020 ng riding in tandem sa Mandaluyong habang papauwi. Nakaligtas naman ang kanyang driver.
Si Garma at Leonardo ang tinukoy ni Mendoza na umano’y mga mastermind sa likod ng pagpatay kay Barayuga. Jocelyn Tabangcura-Domenden