MANILA, Philippines – Mahigpit na ipatutupad ng pamahalaang Lungsod ng San Juan sa nalalapit na kapistahan ng St John the Baptist o Wattah Wattah Festival ang kanilang bagong ordinansa upang tiyakin ang maayos at tahimik na pagdaraos ng kapistahan.
Sa isang press conference, inilahad ni Mayor Francis Zamora ang layunin ng mga pangunahing nilalaman ng kautusan na naglalayon na magkaroon ng isang maayos at matiwasay na pagdaraos ng kapistahan at upang maiwasan ang kahalintulad na insidente na nag-viral sa social media noong 2024.
Sa ilalim ng City Ordinance Number 14, Series of 2025, maaaring makulong ng 10 taon o pagmultahin ng P5,000 ang mga lalabag sa ordinansa.
Isinasaad sa naturang kautusan ang pagtatalaga ng lugar para sa basaan. Hindi rin papayagan ang paggamit ng maruming tubig, pressurize water at iba pa.
Maging ang pagbubukas o pagsasaboy ng tubig sa mga sasakyan ay bawal na rin at dapat na tiyakin na ang aktibidad ay hindi makakaistorbo sa mga commuter o sa iba pang indibidwal.
Ayon kay Zamora, mahigit 300 pulis San Juan ang ipapakalat sa basaan zone at mayroon ding augmentation mula sa Eastern Police District.
Ang basaan zone ay ilalagay sa bahagi ng Pinaglabanan Road, pagitan ng P. Guevarra Street at N. Domingo Street at ang basaan ay maaari lamang gawin mula alas-7 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon.
Samantala, pinawi ni Zamora ang pangamba ng kanyang mga kababayan at mga dadaan sa San Juan na hindi sila mababasa basta nasa labas ng basaan zone. Maritess Pumaras