Home METRO ‘Wattah Wattah’ Festival sinisi ng single mom sa pagbagsak sa job interview

‘Wattah Wattah’ Festival sinisi ng single mom sa pagbagsak sa job interview

MANILA, Philippines- “Halos gumuho mundo ko.”

Ito ang inihayag ng aplikanteng single mom nang bumagsak siya sa isang job interview matapos basain sa “Wattah Wattah” Festival sa San Juan City.

Ibinahagi ng Facebook user na si Rod Lina nitong Linggo ang screengrabs mula sa isang Facebook group kung saan makikita ang mahabang post ng isang anonymous member hinggil sa karanasan niya sa “basaan” sa lungsod noong Hunyo 24.

“Halaaa! Grabe, tsk!” komento ni Rod sa kanyang caption.

Umani ang kanyang post ng 79,000 pure sad reactions, 6,000 komento at 59,000 shares.

Sa kanyang account, sinabi ng anonymous member na nahaharap siya sa depresyon matapos ang hindi magandang karanasan sa water festival.

Aniya, nagdesisyon siyang mag-apply ng trabaho sa ibang bansa dahil siya lamang umano ang sumusuporta sa kanyang pamilya.

Ayon sa kanya, ilang ahensya ang inaplayan niya para sa mga trabaho sa Europe, at nakatanggap lamang ng email para sa initial interview sa loob ng halos isang taon.

Tinawagan umano ang single mom para sa isang employer interview noong Hunyo 24, na ikinatuwa niya. Base pa sa kanya, walo lamang silang pumasa sa initial interview.

Nanghiram pa umano siya ng formal attire at sapatos para sa okasyon at tiniyak na kompleto ang mga orihinal niyang dokumento na nakalagay sa isang brown envelope.

“Hanggang sa ‘di ko naman sukat akalaing Fiesta ng San Juan,” paglalahad ng single mom.

“Nagulat ako na may grupo ng mga kabataan na nasa bente katao, pinaikutan ako. May hawak [na] mga timbang. Water gun. Tabo. Hose. Ilang beses ako nakiusap na, ‘WAG PO, MAY INTERVIEW AKO, PLEASSEEE! NANGHIRAM LANG AKO NG DAMIT,’” saad sa kanyang post.

“Pero [hindi] sila nakinig. Pinasiritan ako ng tubig sa mukha mula sa hose. At ‘di pa sila nakuntento. Binuhusan ako ng ilang timbang tubig. Kaya halos basang-basa ako. ‘Yung hawak ko na envelope [kung] nasaan original requirements ko ay nabasa [din]. Halos mabura ang mga details ko kasi basang-basa. Halos umiyak ako noon kasi two [hours] ako nag-byahe tapos hindi rin pala ako makakapunta sa interview,” dagdag niya.

Sinabi ng single mom na umapela siya sa ahensya subalit sinabihan umano siyang wala nang ibang available na date dahil employer’s interview na ito.

“Kaya sinabihan na ako nang, ‘Sorry, but you are considered FAILED.’ Halos gumuho mundo ko. Pati mga requirements ko basang-basa,” wika niya.

“[Ngayon], nababasa ko sa GC [group chat] naming mga applicant na for Medical na sila lahat. Gumuho ang pangarap ko. Ang tagal ko [naghintay]. Walang sidlan ng saya [nang] makapasa ako sa initial interview. Pero [ngayon], bumagsak ang mundo ko,” dagdag ng single mom.

“Nakiusap ako. Nagmakaawa. Pinagtitinginan ako sa bus nung pauwi ako [kasi] basang-basa ako. Ayaw tumabi sa’kin ng [ibang] pasahero [kasi] basang-basa ang damit ko. Malala, pati mga documents ko ay basang-basa na at hindi na sa tingin [ko] maisasalba [kasi] halos mabura na ang mga salita,” patuloy niya.

“Sana napasaya namin [kayo]. [Napakalaking] bagay po na makaka-alis ako ng bansa dahil solo ko na binubuhay mga anak ko. Nakiusap ako. Nagmakaawa. Pero hindi [kayo] nakinig. Umiyak, pero nagtatawanan pa [kayo]. Happy Fiesta. ‘Yung isang araw [na] fiesta ninyo, isang buong pangarap ko po ang naglaho,” giit niya.

Umabot ang post sa X (dating Twitter) platform, kung saan tinawag ng isang user ang atensyon ni San Juan City Mayor Francis Zamora.

“Dear Mayor Francis Zamora, what can you do about this? @franciszamora30,” ayon sa user.

Pinag-usapan ang kamakailang “Wattah Wattah” Festival dahil sa reklamong “unruly behavior” ng mga nakibahagi nito.

Dahil dito, nagdesisyon ang lokal na pamahalaan ng San Juan na magtalaga ng “Basaan Zones” sa pagdiriwang ng kapistahan. RNT/SA