CEBU- SA halip na babae ang hinihimas, himas-rehas ngayon ang isang welder na gusto sanang makipag-sex matapos ireklamo ng dalagita na tinakot nitong i-post sa social media ang kanilang video call sex, iniulat kahapon sa bayan ng San Fernando.
Ayon kay PLt. Col. Vernino Noserale, hepe Naga City Police Station, bandang 9:50 AM noong Martes nadakip ang suspek na itinago sa pangalan Dindo, 37, sa isang lodging inn sa Barangay Panadtaran, San Fernando City.
Sinabi ni Noserale, personal na nagtungo sa kanilang himpilan ang grade 9-student na neneng kasama ang ina para pormal na magsampa ng kaso laban sa suspek.
Kwento ng biktima, nagkakilala sila sa Facebook ng suspek noong Nobyembre 5, 2024 hanggang sa nakuha ang loob nito at pinilit na makipagkita at tumanggi ito ay ipapakalat ang kanilang sex video call sa social media.
Agad naman inilatag ang entrapment operation laban sa suspek na nagresulta sa pagkakadakip nito at nakuha sa kanya ang cellphone at .45 kalibre na baril na may bala.
Sa himpilan ng pulisya, sinabi ng suspek na habang inaayos niya ang kanyang probation sa kasong illegal possession of firearm ay naghanap na rin siya ng babae para makatalik.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Sextortion o RA 7610, RA 11930 Anti-Online Sexual Abuse at RA 10591 (Comprehensive Law On Firearms and Ammunition)./Mary Anne Sapico