Home NATIONWIDE WHO: Mas mataas na buwis sa matatamis na inumin at alak, susi...

WHO: Mas mataas na buwis sa matatamis na inumin at alak, susi sa pagligtas ng buhay

295
0

MANILA, Philippines — Nanawagan ang World Health Organization (WHO) sa mga pamahalaan sa buong mundo na higpitan at palakasin ang buwis sa matatamis na inumin at mga inuming may alkohol upang mapigilan ang pagdami ng mga sakit at mailigtas ang mas maraming buhay.

Ayon sa WHO, ang mababang buwis sa maraming bansa ay nagiging dahilan kung bakit nananatiling mura ang sugary drinks at alak, na nag-aambag sa pagdami ng obesity, diabetes, sakit sa puso, kanser at mga pinsalang dulot ng pag-inom ng alak, lalo na sa mga kabataan.

Sinabi ni WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus na ang pagtaas ng buwis sa mga produktong nakasasama sa kalusugan tulad ng matatamis na inumin, sigarilyo at alak ay makatutulong upang mabawasan ang labis na pagkonsumo at makalikom ng pondo para sa mahahalagang serbisyong pangkalusugan.

Batay sa ulat, 116 bansa na ang nagpataw ng buwis sa sugary drinks gaya ng softdrinks, subalit nananatiling halos walang buwis ang iba pang high-sugar products tulad ng 100% fruit juices, sweetened milk drinks at ready-to-drink na kape at tsaa.

Samantala, 167 bansa naman ang nagpapataw ng buwis sa alak at 12 ang may kabuuang pagbabawal sa pagbebenta nito. Gayunman, ayon sa WHO, mas naging abot-kaya pa rin ang alak sa maraming bansa dahil hindi sumasabay sa inflation at paglaki ng kita ang itinataas na buwis.

Binanggit din na sa hindi bababa sa 25 bansa, karamihan sa Europa, ay nananatiling walang buwis ang wine sa kabila ng malinaw na banta nito sa kalusugan.

Ipinunto ng WHO na nananatiling mababa ang bahagi ng buwis sa presyo ng alak—14 porsiyento sa beer at 22.5 porsiyento sa spirits—habang nasa humigit-kumulang 2 porsiyento lamang ng presyo ng karaniwang softdrink ang buwis sa matatamis na inumin.

Dagdag ng WHO, kakaunti lamang ang mga bansang regular na inaayos ang buwis batay sa inflation, dahilan upang patuloy na maging mas mura ang mga produktong nakasasama sa kalusugan. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here