MANILA, Philippines- Naniniwala ang Bureau of Immigration (BI) na ang pagtutulungan ng lahat ng sangay ng gobyerno kabilang na ang mga lokal na pamahalaan ay makatutulong sa pagsugpo sa mga kaso ng human trafficking sa bansa.
Sa isang pahayag noong Martes, sinabi ni Commissioner Joel Anthony Viado na habang pinalalakas nila ang kontrol sa hangganan, ang pagtugon sa human trafficking ay nangangailangan ng isang whole-of-government approach, kabilang ang aktibong partisipasyon mula sa mga local government units (LGUs) at mga local law enforcement agencies na namamahala sa mga lugar na ginagamit bilang mga ilegal na ruta ng paglalakbay.
“Everyone must work together as there is a need to strengthen efforts at all levels to curb illegal departures. Traffickers are exploiting illegal routes to avoid detection by immigration, making it crucial for LGUs and local authorities to increase monitoring and enforcement in vulnerable areas,” ani Viado.
Kasabay nito, ikinaalarma naman ni Viado ang pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong biktima ng trafficking na ilegal na umaalis sa bansa sa pamamagitan ng mga backdoor route para magtrabaho sa mga kumpanyang tulad ng POGO (Philippine offshore gaming operators) sa ibang bansa.
Binanggit ni Viado na ang kamakailang pag-aaral ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa mga backdoor routes ay isang malaking hakbang tungo sa pag-iingat sa mga bulnerableng lugar na ito.
Ibinunyag ng BI Commissioner na tatlong repatriated trafficking victims, dalawang babae at isang lalaki, ay bumalik sa Pilipinas noong Marso 16 mula sa Phnom Penh, Cambodia, sakay ng Philippine Airlines flight matapos maakit na magtrabaho bilang “love scammers”.
Ang “love scam” ay gumagamit ng isang pekeng online na pagkakakilanlan upang akitin ang isang tao sa isang pekeng romantikong relasyon, sa kalaunan ay minamanipula sila upang magpadala ng pera.
Nabatid sa BI na humingi ng tulong ang mga biktima sa embahada ng Pilipinas matapos makaranas ng pisikal na pananakit at pagpapahirap mula sa kanilang mga amo sa loob ng mahigit dalawang buwan. Pagdating, tinulungan sila ng National Bureau of Investigation (NBI), na nagsasagawa ng imbestigasyon laban sa kanilang mga recruiter.
Inihayag ng inisyal na datos na ang tatlong biktima ay walang opisyal na rekord ng pag-alis sa Pilipinas. Inamin nila ang ilegal na paglabas ng bansa sa pamamagitan ng pagsakay sa maliit na bangka mula Jolo, Sulu patungong Sabah.
Sa Sabah, ang kanilang mga pasaporte ay nakatatak umano ng pekeng departure stamp ng Pilipinas bago sila bumiyahe sa lupa patungong Kuala Lumpur, lumipad patungong Bangkok, Thailand, at tuluyang nakarating sa Cambodia.
Sila ay na-recruit sa pamamagitan ng Facebook ng isang kapwa Pilipino na nangangako ng trabaho sa Customer Service Representative (CSR) sa Cambodia na may buwanang sweldo na USD1,000. Pagdating nila sa Cambodia, sumailalim sila sa pagsasanay para magtrabaho bilang “love scammers” pero USD300 lang ang natanggap.
Nang hinahangad nilang lumipat sa ibang employer dahil sa kulang sa bayad, pisikal na sinaktan sila ng kanilang Chinese na amo, kinumpiska ang kanilang mga mobile phone, at kalaunan ay iniwan sila sa isang hindi pamilyar na lokasyon. Sa kalaunan ay nagawa nilang makipag-ugnayan sa Embahada ng Pilipinas, na nagpadali sa kanilang pagbabalik.
Kinumpirma ng forensic examination ng BI’s Documents Laboratory na may mga pekeng BI departure stamp ang mga pasaporte ng mga biktima. JR Reyes