MANILA, Philippines- Hindi kukunsintihin ng Malakanyang ang “seditious acts” na ginawa ni Patrolman Francis Steve Tallion Fontillas kung saan ginamit ang social media para kuwestiyunin ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kasabay ng pagbatikos sa pamamalakad ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Hinikayat din nito ang mga kapwa pulis na mag-aklas laban sa gobyerno.
“Kapag may mga ganito po at talaga pong nananawagan ng panggugulo, hindi po talaga ito palalagpasin ng Palasyo,”ang sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Inihayag ng Malakanyang na malinaw na lumabag sa batas si Fontillas.
Ani Castro, ipinagtanggol ni Fontillas si dating Pangulong Duterte sa alegasyon na crimes against humanity na may kaugnayan sa drug war killings at nagsabi na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay hindi nakakuha ng kaparehong paggalang mula sa mga tao kumpara kay Duterte.
“Kahit sino naman po sigurong pangulo ay mabibigla po sa tinuran ng sinasabing official uniformed personnel. Alam po natin na kapag uniformed personnel, dapat po impartial at non-partisan. So, doon pa lamang po ay may violation na po siya,” ayon kay Castro.
“So, kung ano po iyong nararapat na…kung mayroon man pong pagdidisiplina o parusa, ay siguro dapat lang pong ibigay kung naaayon po sa batas,” dagdag na wika nito.
Sa ulat, kinasuhan na ng Quezon City Police District ang isang lalaking pulis na nagpost sa kanyang social media page ng umano’y pambabatikos sa administrasyong Marcos.
Sinampahan ng reklamo ng QCPD si Patrolman Francis Steve Tallion Fontillas na dating nakatalaga sa District Personnel and Holding Admin Section bago nag-AWOL noong Marso 6.
Inciting to sedition o paglabag sa article 142 ng revised penal code, in relation to Cybercrime Prevention Act of 2012 ang isinampa ng pulisya laban kay Fontillas dahil sa umano’y partisan post nito sa kanyang Facebook page.
Samantala, muli namang nagpaalala ang QCPD sa mga pulis na dapat non-partisan o walang kinikilingan o pinapanigang grupo o tao ang lahat ng mga miyembro ng pulisya at iwasan ang pagpost ng mga biased contents sa kanilang mga social media platforms. Kris Jose