Manila, Philippines – Idinagdag ni businessman, social media personality, at queen maker Wilbert Tolentino ang isa na namang karangalan sa kanyang mga tagumpay matapos i-acquire ang Nazareth Institute of Alfonso, Inc., isang matagal nang itinatag na paaralan sa Alfonso, Cavite.
Hindi na ito ikinagulat ng kanyang mga kaibigan at tagasuporta dahil matagal na nilang alam ang matibay na adbokasiya ni Wilbert sa larangan ng edukasyon.
“Matagal ko nang pinaniniwalaan na ang edukasyon ang pinakamakapangyarihang pundasyon sa pagbabago ng mga komunidad at sa pagbuo ng mas maayos na kinabukasan para sa susunod na henerasyon,” ani Tolentino.
“Ang Nazareth Institute ay hindi lang basta paaralan—ito ay pamana ng pagkatuto na naghubog ng buhay sa loob ng dalawang dekada.
“Sa pag-acquire ko nito, nakikita ko ang pagkakataong mapanatili at mapaunlad ang pamanang edukasyon habang iniaangat ito upang makasabay sa makabagong panahon.”
Ngayon na si Wilbert na ang may buong pamamahala, plano niya na gawing makabago, inklusibo, at globally competitive na learning hub ang Nazareth Institute of Alfonso.
“Layunin kong i-modernize ang curriculum, isama ang technology-driven at globally competitive programs, at i-upgrade ang mga pasilidad,” paliwanag niya.
“Gusto kong mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyanteng mula sa probinsya na maranasan ang parehong kalidad ng edukasyon na tinatamasa sa mga lungsod o sa ibang bansa. Hindi lang ito negosyo—ito ay misyon ng serbisyo, empowerment, at nation-building.”
Naniniwala rin si Tolentino na may potensyal ang paaralan na maging sentro ng transformative education na magtuturo ng katalinuhan, pagpapahalaga, inobasyon, at pamumuno—mga katangiang mahalaga sa paghubog ng kinabukasan ng bansa.
“Ang aking bisyon para sa Nazareth Institute of Alfonso ay nakasentro sa transformasyon, modernisasyon, at holistic development. Layunin kong maging sentro ito ng kahusayan na naghahanda sa mga estudyante hindi lang akademiko, kundi moral, teknolohikal, at pandaigdigan din.”
Teka. Iiwan na ba ni Wilbert ang pagiging influencer? Ang pagiging queen-maker?
Ilan sa mga sinuportahan at tinulungan niyang maging international beauty queen ay sina Herlene Budol, Samantha Bernardo at Sugar Mercado.
“Hindi po. Hindi ko po iiwan ang entertainment industry and ‘yung pagpasok ko sa bagong venture ay dagdag sa aking tinutulungan at sinusuportahan,” sabi pa niya. JP Ignacio