MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Erwin Tulfo sa pamahalaan at pribadong kumpanya na magpatupad ng work-from-home setup at ride-sharing/carpooling system upang makatulong sa mga manggagawang apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Ayon sa kanya, kung hindi naman kailangan ang pisikal na presensya ng empleyado, mas mainam na magtrabaho na lamang mula sa bahay tulad ng ginagawa noong panahon ng pandemya.
Ibinigay niyang halimbawa ang mga trabaho sa opisina tulad ng planning, research, admin, at customer service na maaaring gawin online.
Iminungkahi rin niya ang carpooling para sa mga kailangang pumasok sa trabaho gaya ng mga nasa manufacturing, hotel, restaurant, at ospital, kung saan puwedeng magbahagi ng gastos sa gasolina.
Dagdag pa niya, maaaring gamitin din ang ride-hailing apps at hati-hatian ang pamasahe ng magkakasama sa biyahe.
Ayon sa senador, lumalala rin ang bilang ng mga pasaherong stranded sa kalsada dahil sa kaunting PUV na tumatakbo dulot ng mataas na gastos sa fuel, kaya kailangan ng ganitong mga praktikal na solusyon upang makatipid ang mga manggagawa. RNT/MND