Home NATIONWIDE World-class quality education, accessible kahit sa labas ng NCR – CHED

World-class quality education, accessible kahit sa labas ng NCR – CHED

MANILA, Philippines – Sinabi ng Commission on Higher Education (CHED) nitong Martes, Agosto 8, na ang world-class quality ng higher education ay hindi lamang limitado sa Metro Manila.

Ang pahayag na ito ng CHED ay kasunod ng pagkilala sa Samar State University (SSU) sa pangunguna sa lahat ng unibersidad sa buong mundo sa 2023 World University Rankings for Innovation’s (WURI) 4th Industrial Revolution category.

Ayon kay CHED Chairperson J. Prospero de Vera III, nagpapakita lamang ng pag-usbong ng edukasyon ang global ranking na ginawa ng SSU kumpara sa ibang international institutions.

“Malinaw na hindi mo na kailangang magpunta sa Metro Manila para makakuha ng dekalidad na edukasyon,” ani De Vera.

Sinabi rin niya na ang iba ring state universities sa mga probinsya ay nag-aalok ng competitive programs.

“Pwede kang mag-aral sa SSU at iba pang mga pampublikong pamantasan na libre at dekalidad ang mga programa,” dagdag niya.

Ito na ang ikalawang pagkakataon na ang SSU ay nakakuha ng pinakamataas na spot sa innovative projects nito.

Kinilala ng WURI ang “3D Visualization of Citywide Geohazard Mapping and Simulation of What-if Scenarios using Geospatial Research and Data Analytics” project ng SSU ngayong taon, maging ang “Smart Edubox ─A Wireless Sensor Based Educational Service Delivery” project noong 2022.

Ani SSU president Marilyn Cardoso, ang proyektong ito ay dalawa lamang sa napakaraming proyekto na ipinatupad ng kanilang research centers.

“SSU is the only Philippine higher education institution that landed on the highest spot for two consecutive years as WURI analyzes the universities’ real contributions along industrial application; value-creating; social responsibility, ethics, and integrity; student mobility and openness; crisis management; and progress during the Fourth Industrial Revolution,” sinabi ni Cardoso.

Nagbibigay naman ng suporta ang CHED, Department of Science and Technology (DOST) at local government units (LGUs) sa research centers ng SSU.

Bago rito, nangako naman si De Vera na patuloy pang paiigtingin ang internationalization efforts sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng Philippine higher education institutions (HEIs) at international universities.

Hinimok din niya ang marami pang HEIs na sumali sa global ranking upang masuri ang kanilang year-by-year performances at accomplishments.

Sa ngayon, mayroon nang 52 Philippine HEIs ang kasama sa global ranking ng WURI, Quacquarelli Symonds (QS World, Asia, and Stars), at Times Higher Education (THE World, Asia, and Impact Rankings). RNT/JGC