PUMANAW na ang wrestling icon na si Hulk Hogan, o Terry Gene Bollea sa tunay na pangalan, sa edad na 71 dahil sa cardiac arrest.
Kinumpirma ito ng World Wrestling Entertainment (WWE) sa isang opisyal na pahayag, na nagdalamhati sa pagpanaw ng isa sa pinaka-iconic na personalidad sa kasaysayan ng wrestling.
Sa nasabing pahayag, binigyang-pugay ng WWE ang malaking ambag ni Hogan sa kasikatan ng professional wrestling noong dekada ’80.
Tinawag siyang “isa sa mga pinaka-kilalang mukha ng pop culture” na naging susi sa pag-angat ng WWE sa pandaigdigang entablado.
Nagsimula ang kanyang karera bilang bayani ng wrestling ring, nakalaban niya ang mga haligi ng industriya tulad nina Randy Savage, The Iron Sheik, at Andre the Giant.
Sa kanyang panahong tinaguriang “golden age” ng wrestling, siya ang naging mukha ng tagumpay.
Noong dekada ’90, ikinagulat ng marami ang biglaang pagbabagong-anyo ni Hogan mula sa kabutihang-loob patungong kasamaan, nang pamunuan niya ang grupong New World Order. Ang bagong imahe niya bilang kontrabida ay naging matagumpay at tinanggap ng maraming tagahanga.
Muli siyang sumikat sa mga makasaysayang laban sa mga modernong bituin tulad ni The Rock sa WrestleMania X8.
Taong 2005 siya na-induct sa WWE Hall of Fame, ngunit pansamantalang tinanggal noong 2015 dahil sa kontrobersya.
Bukod sa wrestling, pumasok rin si Hogan sa mundo ng pelikula at telebisyon.
Lumabas siya sa “Rocky III” kasama si Sylvester Stallone, at maging sa “Baywatch.” Siya ay isang tunay na alamat na nag-iwan ng hindi matitinag na marka sa kulturang popular.GP