Home NATIONWIDE YAKAP Caravan, feeding program sa mga paaralan sa Pangasinan pinangunahan ni PBBM

YAKAP Caravan, feeding program sa mga paaralan sa Pangasinan pinangunahan ni PBBM

1
0

MANILA, Philippines – PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Huwebes, Setyembre 17 ang paghahatid ng integrated health at nutrition services sa Sta. Barbara Central School sa Sta. Barbara, Pangasinan, kung saan makikita rin ang makasaysayang Gabaldon Building.

Itinampok sa pagbisita ng Pangulo ang whole-of-school approach ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagsasama ng primary healthcare, nutrisyon at pangangalaga sa mga makasaysayang pasilidad ng paaralan.

Ininspeksyon din ni Pangulong Marcos ang mga serbisyong pangkalusugan sa ilalim ng Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Pagdating sa paaralan, kasama ang mga opisyal ng pambansa at lokal na pamahalaan, siniyasat ng Pangulo ang tatlong booth ng YAKAP Caravan na naghatid ng PhilHealth registration, pagkuha ng ID, pag-update ng member information, medical at dental checkup, at pamamahagi ng mga bitamina at gamot.

Humigit-kumulang 200 learners, magulang at guro ng Sta. Barbara Central School ang nakinabang sa YAKAP Caravan.

Matapos nito, nagtungo ang Pangulo sa makasaysayang Gabaldon Building upang obserbahan ang pagpapatupad ng School-Based Feeding Program (SBFP), Limampung (50) Grade 2 hanggang Grade 6 learners na severely wasted o undernourished ang tumanggap ng mainit na pagkain at nutrition packs na ginawa ng NutriDense.

Para sa School Year 2026–2027, target ng SBFP na matulungan ang 385 beneficiaries sa Sta. Barbara Central School, kabilang ang 183 learners na natukoy na wasted o severely wasted.

Sa buong Pangasinan, saklaw ng programa ang 552 pampublikong paaralan bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na labanan ang malnutrisyon at mapabuti ang kalusugan at pagkatuto ng mga mag-aaral.

Sa pamamagitan ng pagsasama ng nutrition support at healthcare services sa mga paaralan, layunin ng administrasyong Marcos na mapabuti ang kalagayan ng mga mag-aaral at suportahan ang kanilang pagganap sa klase.

Sinuri rin ni Pangulong Marcos ang Elpidio M. Balolong Science Room, kung saan nagmamasid siya sa isang klase at nakipag-usap sa mga mag-aaral ng Grade 5-Citrine.

Tinanggap ang Pangulo ng tinatayang 1,300 guro, mag-aaral at magulang.

Ayon sa Department of Education (DepEd), inilalapit ng programa ang mahahalagang serbisyong medikal sa mga pampublikong paaralan, kabilang ang PhilHealth registration, pag-update ng records, ID issuance, health orientations at on-site consultations sa pakikipag-ugnayan sa mga accredited health facilities.

Bilang bahagi ng pagbisita, 1,194 school bags na ipinagkaloob ng Office of the President ang ipinamahagi sa mga mag-aaral.

Isinagawa ang SBFP showcase sa loob ng makasaysayang Gabaldon Building ng paaralan.

Itinatag sa ilalim ng Act No. 1801 o Gabaldon Act of 1907, ang mga gusaling ito ay kilala sa mga katangiang arkitektural tulad ng mataas na plataporma, malalaking capiz-shell windows, matataas na kisame at disenyong hango sa tradisyonal na bahay kubo at bahay na bato, na nagbibigay-daan sa maayos na natural ventilation.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11194 o Gabaldon School Buildings Conservation Act, patuloy na binibigyang-prayoridad ang pangangalaga sa mga gusaling Gabaldon upang maprotektahan ang kasaysayan at kultura habang nananatiling ligtas at angkop ang mga pasilidad para sa makabagong pagkatuto.

Tinulungan si Pangulong Marcos sa kanyang pagbisita nina DepEd Undersecretary Fatima Lipp Panontongan at Claire M. Zabala, Principal IV ng Sta. Barbara Central School. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here