MANILA, Philippines — Hinimok ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan ang Department of Transportation (DOTr) na isaalang-alang ang kapakanan ng mga commuter at seguridad sa trabaho ng mga rider sa pagbuo ng mga patakaran sa rider allocation ng motorcycle taxi platforms.
Ayon kay Yamsuan, vice chairperson ng House Committee on Transportation, dapat tiyakin ding ligtas ang mga pasahero sa pamamagitan ng mahigpit na background screening sa rider-partners at paglalagay ng karagdagang safety features sa mga ride-hailing app.
“Ang bottomline natin dito yung ating mga kababayan at paano natin matutulungan yung riders na naghahanapbuhay lang naman,” ani Yamsuan.
Kasabay nito, sinabi niyang nais lamang ng riding public na makarating nang ligtas sa kanilang destinasyon at magbayad ng tamang pamasahe.
Ginawa ni Yamsuan ang pahayag kasunod ng pagpapataw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng P555.75-milyong multa sa motorcycle taxi platform na Move It dahil sa paglampas umano nito sa authorized rider allocation.
Batay sa LTFRB, umabot sa 73,321 ang active rider-partners ng Move It noong Mayo 2026 kahit 17,746 lamang ang awtorisadong allocation nito sa Metro Manila, Cebu City at Cagayan de Oro.
Naghain naman ang Move It ng motion for reconsideration at hindi pa pinal ang desisyon ng LTFRB.
Sinabi ni Yamsuan na sa kanyang pakikipag-usap kay Transportation Secretary Vince Dizon, ipinaalam ng kalihim na magsasagawa ang DOTr ng dialogue kasama ang Move It, JoyRide at Angkas upang repasuhin ang kasalukuyang rider cap at suriin ang demand ng commuters.
Nauna ring sinabi ni Dizon na kailangang repasuhin ang kasalukuyang cap dahil posibleng hindi na ito tumutugon sa aktuwal na supply at demand sa public transportation.
Tatalakayin din umano ng House Committee on Transportation ang regulations sa motorcycle taxi platforms, commuter welfare at posibilidad na taasan ang authorized rider allocation batay sa ridership data.
Gayunman, sinabi ni Yamsuan na kailangan pa rin ng permanenteng batas upang magkaroon ng malinaw na legal framework para sa motorcycles-for-hire.
Aniya, dapat kabilang sa batas ang pagtiyak sa roadworthiness ng mga motorsiklo, proper training at mahigpit na background checks sa riders, gayundin ang safety features gaya ng real-time ride-sharing.
Kasalukuyang nasa Technical Working Group ng House Committee on Transportation ang ilang panukalang naglalayong gawing legal at regulado ang operasyon ng motorcycles-for-hire. RNT