MANILA, Philippines — Tumanggi si constitutional law professor Dean Ralph Sarmiento na tumestigo bilang witness ng defense panel ni Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment trial.
Sa isang video na ipinost sa Facebook, sinabi ni Sarmiento na nais niyang mapanatili ang kanyang independence bilang constitutional law scholar at impartiality ng kanyang mga legal na pananaw.
Ayon kay Sarmiento, ipinaalam na niya sa defense team ang kanyang desisyon at hiniling na bawiin ang request para sa subpoena na mag-aatas sa kanyang humarap sa Senate impeachment court.
Kung naipalabas na ang subpoena, hiniling naman niyang magsumite ang defense panel ng request para ma-recall ito.
Nagpasalamat si Sarmiento sa defense team sa pagkilala sa halaga ng kanyang mga pananaw sa constitutional at legal issues na dati niyang ibinahagi sa social media.
Gayunman, sinabi niyang hindi niya inaasahang maaaring gamitin ang kanyang mga opinyon bilang bahagi ng impeachment proceedings.
Naunang inilista ng defense panel si Sarmiento bilang una nitong witness kaugnay ng unexplained wealth charge laban sa Bise Presidente.
Nakatakda sana siyang humarap sa Senate impeachment court sa Nobyembre 9.
Sinabi naman ni defense counsel Michael Poa na iginagalang ng kanilang kampo ang personal na desisyon ni Sarmiento.
Si Sarmiento ay professor ng Political and Constitutional Law sa University of St. La Salle College of Law at dati ring nagsilbing vice chancellor for administration ng unibersidad. RNT