MANILA, Philippines — Isinusulong ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan ang whole-of-government at technology-driven approach sa urban farming upang makatulong sa food security sa mga lungsod at mapanatili ang mga programa ng pamahalaan sa urban agriculture.
Sa pagbubukas ng Pagsibol 2026: Philippine Horticulture and Urban Agriculture Summit nitong Martes, sinabi ni Yamsuan na maaaring pagsama-samahin ang mga programa ng Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at iba pang ahensya upang gawing produktibo at posibleng pagkakitaan ang mga bakanteng espasyo sa mga komunidad.
“Hindi natin kailangan ng ekta-ektaryang lupain para maabot ang pangarap na ‘wala nang Pilipino ang magugutom,’” ani Yamsuan.
Inihain ng mambabatas ang House Bill No. 9473, na naglalayong gawing permanente ang National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP) at magtatag ng Urban and Peri-Urban Agriculture Fund para magkaroon ito ng tuloy-tuloy na pondo. Nakabinbin ang panukala sa House Committee on Agriculture and Food mula Hunyo 2.
Sa ilalim ng panukala, gagamitin din para sa urban agriculture ang mga bakante o abandonadong government lots at buildings at iba pang available spaces, katuwang ang local government units, homeowners’ associations at community organizations. Inaatasan din nito ang Department of Science and Technology na bigyang-prayoridad ang research at development ng mga bagong teknolohiya para sa urban farming.
Halimbawa, sinabi ni Yamsuan na maaaring suportahan ng NUPAP ang pagtatayo ng community garden, habang maaaring kumuha ng financing ang mga benepisyaryo sa Pondo sa Pagbabago at Pag-Asenso Program ng Small Business Corp. Maaari rin umanong tumulong ang TUPAD beneficiaries sa pagpapanatili ng mga taniman habang nagbibigay naman ang TESDA ng kinakailangang skills training.
Kasama sa kasalukuyang NUPAP ng DA ang production assistance, training, machinery at facilities support at pakikipagtulungan sa LGUs at iba pang stakeholders. Nagtala ang programa ng 737 urban gardens at mahigit 4,000 beneficiaries hanggang Disyembre 2025.
Ayon kay Yamsuan, bumaba ang pondo ng NUPAP mula P439.2 milyon noong 2025 at P390.9 milyon ngayong 2026 tungong panukalang P183.4 milyon para sa 2027. Ang mga halagang ito ay inilatag ng mambabatas sa kanyang pahayag habang isinusulong ang permanenteng pagpopondo sa programa.
Binigyang-diin naman ni Yamsuan na hindi layunin ng urban agriculture na palitan ang mga magsasaka o maging nag-iisang solusyon sa food security, kundi magsilbing karagdagang paraan upang mapalapit ang abot-kaya at masustansiyang pagkain sa mga komunidad. RNT