Home NATIONWIDE Yanna Motovlog ‘di sumipot sa LTO hearing

Yanna Motovlog ‘di sumipot sa LTO hearing

MANILA, Philippines- Sinabi ng pickup truck driver sa viral road altercation sa Zambales na itutuloy niya ang kaso laban sa social media personality na si Yanna Motovlog, matapos hindi sumipot ng vlogger sa hearing na isinagawa ng Land Transportation Office nitong Martes.

Ipinadala ni Alyannah Aguinaldo, kilala rin bilang Yanna Motovlog, ang kanyang legal counsel na si Atty. Ace Jurado bilang kanyang kinatawan sa LTO hearing kung saan binasa niya ang apology letter ng kanyang kliyente.

“Ako po ay humihingi ng sinserong pagpapaunmanhin dahil napagdesisyunan ko na po na hindi sumagot at humarap na lang ng personal sa show cause order ng LTO. Ano man po ang maging desisyon patungkol sa aking maling nagawa ay lubos ko pong gagalangin, at mapagkumbabang tatanggapin ang ano man kaparusahan na maaring ipataw sa akin ng inyong ahensya,” pahayag ni Atty. Jurado, nakasaad sa written apology ni Aguinaldo.

Subalit, hindi ito tinanggap ni Jimmy Pascua, driver na sangkot sa alitan, sa pagsasabing: “Hindi naman po sincere iyong ano nila, sorry. Itutuloy ko na lang iyong kaso.”

“Hindi na po (ako) makalabas gaano. Gabi-gabi na lang umuuwi para lang makaiwas sa mga tao. Nagtatrabaho lang po ako, hindi po ako mayaman,” paglalahad pa niya.

Batay sa viral video, ipinakita ni Yanna Vlog ang middle finger gesture sa driver ng isang pick-up truck dahil sa sinabi nitong walang ingat ang pagmamaneho ng huli.

Kalaunan, hinarap siya ng pick-up driver para tanungin kung bakit kailangan niyang gumawa ng ganoong kilos. Gayunman, patuloy na nakipagtalo si Yanna Vlog sa pick-up driver at gumawa pa ng mga nakakainsultong komento nang umalis na ang huli.

Sinabi ni LTO Intelligence and Investigation Division chief Renante Militante na mahaharap si Aguinaldo sa administrative charges sa kabila ng paghingi ng paumanhin.

“Kami po rito sa LTO, kahit po meron nang ganyan (apology letter), tuloy pa rin po iyong administratibong kaso na isasampa namin,” giit ni Militante.

Ipinag-utos ng LTO na dalhin sa kanyang opisina ang motorsiklo sa viral vlog upang inspeksyunin, kasama ang iba pang dokumento.

Pinagpapaliwanag si Aguinaldo kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanyang driver’s license sa ilalim ng Republic Act 4136.RNT/SA