Manila, Philippines- Sa panayam sa isang cooking talk show, naungkat kay Yayo Aguila ang naging kaso nila at ng kanyang anak sa Kapamilya actor na si Baron Geisler.
Matatandaan kasing nag-file noon ng kasong “acts of lasciviousness” ang anak ng aktres na si Patrizha sa aktor noong 2008 dahil sa nangyari sa isang bar.
Taong 2013 naman nang masentensiyahan ang aktor na guilty sa nasabing offense kung saan nahatulan ito ng six months to two years imprisonment at moral damages sa halagang P30,000.
Noong 2007 naman, nang magkasama sila sa PBB Celebrity edition 2 sa Bahay ni Kuya ay hinalikan si Yayo sa leeg ng aktor nang malasing ito.
Ani Yayo, matagal na raw niyang napatawad si Baron.
“Oo naman,” tugon niya.
“Nagkita na kami, years ago sa isang event ng showbiz, wala akong choice, nagkasalubong kami.
“Tapos binati niya ako, nag-sorry naman siya, nag-sorry siya sa akin,” dugtong niya.
Sey pa niya, sa palagay daw naman niya ay sinsero ang aktor sa paghingi ng tawad sa kanya.
“Malaking bagay iyon. It takes guts para makapag-sorry ka. Feeling ko naman sincere siya,” paliwanag niya.
Gayunpaman kahit nakapagpatawad na ay hindi raw naman nila malilimutan ang ginawa nito sa kanilang mag-ina.
Ayon pa kay Yayo, sinabi rin daw niya sa kanyang anak ang paghingi ng apology ni Baron.
“Ayoko siyang i-judge pero ‘yung nag-sorry siya sa ‘kin, sinabi ko ‘yun sa daughter ko. Actually, ‘yung anak ko, sabi niya, ‘Ma, napatawad ko naman siya eh, pero hindi ko makakalimutan ‘yung ginawa niya.’
“Ganun din ‘yung stand ko. Napatawad naman na namin siya pero ayoko siya makatrabaho, ‘yung ganun,” paglalahad niya.
Sey ng magaling na aktres, bukas daw naman siya na makatrabaho si Baron sa isang magandang proyekto pero hindi niya ito kakausapin sa set.
“Pero if given the chance kunyari may magandang project, kasama ko siya, puwede ko naman siyang hindi kausapin sa set. Work is work. So, you don’t have to be friends with him kasi sa work di naman kailangan lahat friends mo. Kung work, work lang,” ani Yayo.
“Kung si Lord nga nagpapatawad, tayo pa kayang tao? Basta at least kami, nabawasan naman kami ng bigat sa dibdib,” pahabol niya. Archie Liao