MANILA, Philippines – Itinaas sa red alert ang Visayas grid sa loob ng isang oras, mula alas-6 hanggang alas-7 ng gabi nitong Lunes, dahil kapos ang available capacity sa mataas na demand.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ipinatupad din ang yellow alert mula alas-3 hanggang alas-6 ng hapon at alas-7 hanggang alas-9 ng gabi.
Nasa humigit-kumulang 2,530 megawatts ang available supply, habang inaasahang aabot sa 2,508 megawatts ang peak demand.
Walong power plant sa Visayas ang hindi gumagana ngayong buwan, kabilang ang Therma Visayas Inc. Unit 1 at Panay Energy Development Corp. Unit 3. Dagdag ito sa 23 planta na offline mula pa noong 2021 at 15 planta na gumagana sa mas mababang kapasidad.
Dahil dito, nabawasan ng tinatayang 818.9 megawatts ang kapasidad ng Visayas grid.
Nakatulong din sa pagtaas ng alert level ang pagbaba ng kapasidad ng TVI Unit 2 na may 146.2 megawatts dahil sa “main steam problem,” gayundin ang limitadong suplay ng kuryente mula sa Mindanao grid.
Ang yellow alert ay inilalabas kapag hindi sapat ang available supply para sa contingency requirement ng grid. Samantala, red alert naman kapag hindi sapat ang kapasidad para matugunan ang demand at regulating requirement ng grid. RNT/MDS