MANILA, Philippines – Maliit na lamang ang posibilidad na muling pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang tropical storm na may international name na “Krovahn,” ngunit patuloy nitong palalakasin ang habagat at magdadala ng pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon, ayon sa PAGASA nitong Lunes, Setyembre 7.
Ayon kay PAGASA weather specialist Aldczar Aurelio, ang Krovahn, na dating tinawag na “Pilandok,” ay nasa 1,155 kilometro silangan-hilagang-silangan ng extreme Northern Luzon dakong 3 a.m. Lunes. Kumikilos ito pa-silangan sa bilis na 10 kilometro kada oras. Lumabas ito sa PAR noong Setyembre 3.
Sa susunod na 24 oras, maaaring magpatuloy ang paminsan-minsang malakas na pag-ulan sa Zambales, Bataan, Batangas at Occidental Mindoro dahil sa pinalakas na habagat.
Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms naman ang inaasahan sa Metro Manila, Ilocos Region, Abra, Benguet, Antique at nalalabing bahagi ng Central Luzon, Calabarzon at Mimaropa. Sa ibang bahagi ng bansa, bahagyang maulap na kalangitan at isolated rain showers o thunderstorms ang maaaring maranasan.
Samantala, patuloy na naglalabas ng sobrang tubig ang Ambuklao at Binga dams sa Benguet at San Roque Dam sa Pangasinan.
As of 8 a.m. Lunes, dalawang gate ng Ambuklao Dam ang bukas. Nasa 751.41 metro ang water level nito, o 0.59 metro na lamang bago maabot ang normal high water level na 752 metro.
Ang Binga Dam naman ay nasa 573.9 metro, o 1.1 metro na lamang bago ang normal high water level na 575 metro. Dalawa rin sa mga gate nito ang bukas.
Samantala, nasa 279.46 metro ang San Roque Dam, o 0.54 metro na lamang bago ang normal high water level nito. Mas mababa ito kumpara sa 282.08 metrong naitala noong nakaraang araw. Dalawa rin sa mga gate nito ang bukas.
Magkakaugnay ang tatlong dam sa cascading system. Karamihan sa tubig mula Ambuklao ay dumadaloy patungo sa Binga Dam, bago ito magtuloy sa San Roque Dam. RNT/MDS