Home NATIONWIDE ‘Yormilk’ program magbibigay ng libreng gatas sa 21K preschool sa Maynila

‘Yormilk’ program magbibigay ng libreng gatas sa 21K preschool sa Maynila

315
0

MANILA, Philippines – PINANGUNAHAN ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang paglunsad sa programang “Yormilk: Kaagapay ng Batang Maynila sa Paglaki” ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa Barangay 137, Balut, Tondo, nitong Lunes ng umaga, Enero 12.

Ang naturang programa ay isang milk supplementation initiative na layong mapabuti ang nutrisyon at paglaki ng libu-libong preschool children na naka-enroll sa mga pampublikong day care center sa buong lungsod.

Sa kanyang talumpati sa harap ng mga magulang, opisyal ng barangay, at mga child development worker, sinabi ni Domagoso na ang programa ay idinisenyo upang direktang tugunan ang malnutrisyon at stunting o pagkabansot sa mga batang may edad tatlo hanggang lima.

Binanggit ng alkalde ang datos mula sa Manila Department of Social Welfare (MDSW) na nagpapakita na may 1,593 “wasted” at “severely wasted” na mga mag-aaral na naka-enroll sa 467 Child Development Centers (CDCs) ng lungsod.

Sa larangan ng nutrisyon ng bata, ang “wasted” at “severely wasted” ay tumutukoy sa mga batang may sobrang baba ng timbang kumpara sa kanilang tangkad—palatandaan ng matinding kakulangan sa nutrisyon. Ang mga batang “severely wasted” ay mas malayo sa normal na pamantayan ng kalusugan at mas mataas ang panganib na magkasakit o mamatay kung hindi agad matutugunan.

“Nalulungkot ako na sa Maynila, sa Maynila mismo, sa kapitolyo ng bansa, ay lumalakas at lumalaki ang numero ng pagkabansot o stunting. Hindi dahil sa maliit ang lahi natin, kundi dahil kulang tayo ng tamang nutrisyon,” ani Domagoso.

Sa ilalim ng Yormilk program, kabuuang 21,651 preschoolers sa buong lungsod ang tatanggap ng gatas nang tatlong beses sa isang linggo sa loob ng 90 araw. Isasagawa ang pamamahagi sa pamamagitan ng mga CDC sa 436 barangay, sa tulong ng 423 child development worker, batay sa opisyal na tala ng MDSW.

Binigyang-diin ni Domagoso ang kahalagahan ng gatas sa maagang yugto ng paglaki ng bata, lalo na sa pagpapatibay ng mga buto, pagpapalakas ng resistensya, at pangkalahatang pag-unlad.

Ayon sa alkalde, maraming pamilya ang napipilitang unahin ang pagkaing pampabusog dahil sa kahirapan kaysa sa masustansiyang pagkain.

“Mahal ang gatas. Mahal, kaya kung minsan mas nauuna nating bilhin ang mga bagay na makabubusog sa tiyan ng ating mga supling dala ng hirap ng buhay,” aniya.

Giit ng alkalde, pinili ng lungsod ang sariwa at lokal na gatas sa halip na imported na produkto, alinsunod sa mga pamantayan sa kaligtasan ng pagkain at bilang suporta sa mga magsasakang Pilipino. Isinagawa ito sa pakikipag-ugnayan sa mga pambansang ahensya gaya ng Department of Health (DOH), National Dairy Authority (NDA), at mga katuwang na kooperatiba.

“Mas minabuti ko na sariwa, ligtas, malinis, at maayos na gatas na produkto mismo ng ating mga magbabaka sa Pilipinas,” ani Domagoso.

Ibinahagi rin ng alkalde ang kanyang karanasan noong kabataan niya sa Maynila, kung saan nakinabang siya sa mga programang pang-nutrisyon ng pamahalaan, na aniya’y nakatulong sa maayos na paglaki ng mga bata noong kanyang henerasyon.

“Noong araw, meron kaming Nutribun at KLIM powder milk, kaya kung bakit matitigas ang buto namin at mabilis kaming lumaki,” ayon kay Domagoso.

Tiniyak ni Domagoso sa mga magulang na hindi lamang minsanang programa ang pamimigay ng gatas at nakahanda ang lungsod na ulitin ang feeding cycle tuwing tatlong buwan kung kinakailangan, kahit pa mangahulugan ito ng muling paglalaan ng pondo ng lungsod.

“Kahit wala tayong pera, maghahanap ako ng pera para lang lumusog ang mga Batang Maynila,” ani ng alkalde.

Pinaalalahanan din niya ang mga magulang na ang gatas na ipinamamahagi sa ilalim ng programa ay eksklusibong para sa mga batang naka-enroll sa day care centers at pinondohan ng pera ng bayan.

“Itabi ninyo ’yan para sa anak ninyo. ’Yan ay pera nila galing sa taxpayer,” ani Domagoso na sinalubong ng palakpakan mula sa mga dumalo.

Nagpasalamat din ang alkalde sa mga opisyal ng barangay, katuwang na ahensya, at mga frontliner sa pagsuporta sa programa, at nagpahayag ng pag-asang makatutulong ito sa paghahanda ng mga bata para sa pormal na pag-aaral at pangmatagalang pag-unlad.

“Gusto ko, mga bata, malusog kayo at tumangkad kayo agad,” ani Domagoso. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here