Home OPINION YOSI, GAMIT SA KURYENTE = SUNOG

YOSI, GAMIT SA KURYENTE = SUNOG

KUNG naninigarilyo ka, huwag mo namang itapon ang nakasindi pang sigarilyo kung saan-saan.

Ang maganda mong gawin, bago itapon sa tamang lugar o tapunan, tiyakin mo munang patay ang yosi.

Ok na oks na iyun.

Pero dahil basura naman ang upos, pwede kang magbaon ng sarili mong basurahan o ibulsa mo na lang ang upos.

Kung bakit tinatalakay natin ang nakasinding sigarilyo, ito kasi ang pangunahing dahilan ng mga sunog na nagaganap kahit saan sa Pinas.

Sumunod dito ang apoy sa pagluluto at paggamit ng kuryente.

Sa apoy sa pagluluto, karaniwang konektado ang sunog sa mga hose ng liquefied petroleum gas na hindi natin pinapalitan nang regular.

Isang taon, dalawang taon, tatlong taon o higit na, hindi pa tayo nagpapalit at pinuputol lang kung may singaw at nagpapalit na lang kung nasunog pati ang buong bahay.

Anak ng tokwa talaga.

Sa mga gamit na de kuryente, may napag-alaman tayong gumamit ang isang ama ng No. 18 na main line para sa buong bahay niya.

Hayun, hindi nagtagal, nasunog ang kanilang bahay at hindi rin naapula ang sunog dahil hindi makapasok ang mga trak ng bumbero sa sikip ng mga kalsada patungo sa lugar.

Pinagsabaysabay ba naman ang tatlong electric fan, naka-charge na mga cellphone, limang ilaw, plantsa at electric cooker.

Nang tanungin ang may bahay, pinakamura umano ang No. 18 sa hardware. Huh!

HUWAG NANG PALALAIN PA

Ayon sa Bureau of Fire Prevention, 1,044 ang sunog na naganap sa buong bansa sa nakalipas na dalawang buwan at sumira ito ng P1.3 bilyong ari-arian.

Malayong mas malaki ang bilang ng sunog ngayon kumpara sa 2,424 noong nakaraang taon.

May namatay ring 69 katao at nasugatang 213.

Karamihan sa mga sunog ang naganap nang hindi sinasadya sa bilang na 1,704 pero may 20 kaso na sinadya at ang iba, nagmula sa mga natural na pangyayari.

Pero higit sa mga rekord na ito, mga Bro, naiisip natin ang mga pamilya na 1 buwan, 2 buwan o higit pa ang paninirahan sa mga evacuation center.

Maimadyin n’yo ba kung gaano kahirap mabuhay sa evacuation center na may alaga kang magulang na masakitin, may mga batang nag-aaral at iba pa?

Napakarami naman ang tumutulong sa pangangailangan ng mga biktima pero iba pa rin ang manirahan sa sarili mong tahanan, kubo man yan o hindi.

DISIPLINA , KAALAMAN VS SUNOG

Malinaw na itinuturo ng mga bumbero, batay sa mga ebidensyang nakakalap nila, ang tatlong pangunahing dahilan ng sunog.

Kinakailangan ang disiplina sa pagtatapon ng upos ng sigarilyo.

Yang mga pag-iingat sa pagluluto at paggamit ng elektrisidad, magandang pag-aralan at huwag magtipid.

Tatandaan natin, hindi lang tayo ang masisiraan kundi madadamay rin ang iba.

Previous articleAmihan, easterlies magpapaulan sa Pinas
Next articlePBBM nasa Melbourne na para sa ASEAN-Australia Special Summit