Home NATIONWIDE YouTuber inireklamo ni Kiko Pangilinan sa DOJ

YouTuber inireklamo ni Kiko Pangilinan sa DOJ

MANILA, Philippines – Inireklamo sa Department of Justice ang isang YouTube channel dahil sa paninirang puri umano laban kay dating Senador Kiko Pangilinan at sa kanyang pamilya.

Batay sa 10-pahinang affidavit na inihain ni Pangilinan, kabilang sa mga kinasuhan ng cyberlibel ang mga may-ari ng YouTube channel na Bungangera TV dahil sa pagpo-post ng mga video na nakasisira sa kanyang reputasyon bilang public servant at ni Sharon Cuneta-Pangilinan.

Nabatid na may 435 na video na nagpapakita na sinasaktan ang kanyang maybahay at mga anak.

Gayunman, wala namang mga ipinakitang statement na gaya nang nakasaad sa title at thumbnail.

“The titles, thumbnails, and all other contents of the videos pertaining to me and my family are all false, have no factual basis, and are intended to destroy or damage my reputation as a public servant, and a husband to one of the most beloved celebrities in the Philippines, Sharon Cuneta- Pangilinan,” ani Pangilinan.

Nagpapakalat aniya ng gawa-gawang kuwento laban sa kanyang pamilya ang naturang channel para magkaroon ng maraming subscribers.

Dumulog rin sa National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division si Pangilinan upang mapreserba ang Bungangera TV YouTube videos at kolektahin ang iba pang computer data na kaugnay sa Bungangera TV kabilang ang pagkakakilanlan ng mga may-ari, may-akda at iba pang responsable sa operasyon ng Bungangera TV at mga video nito.

Hiniling din sa NBI na atasan ang Google at YouTube na isumite ang impormasyon at mga relevant data, halughugin at kumpiskahin ang mga computer data ng Bungangera TV at tiyakin ang integridad ng mga makakalap na data.

“Once the owner/s, author/s, or person/s responsible for the creation and management of Bungangera TV and the libelous videos is/are identified, I will pursue legal action against him/her/them, and I intend to use the data collected and preserved as evidence,” ani Pangilinan. Teresa Tavares

Previous articleBolivia inilagay sa state of emergency sa matinding pag-ulan
Next articleHalos 5K gun-related incidents naitala noong 2023