MANILA, Philippines – Nasa kabuuang 4,956 insidente ng gun-related violence ang naitala sa bansa noong 2023, iniulat ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes, Marso 11.
“Ang mga nature po ng mga incidents na ‘yan ay majority po diyan ay shooting incidents, alarm and scandals, grave threat, at robbery po,” sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo sa press briefing.
Ngayong taon, nasa 808 insidente na ang naitatala.
Sa kasalukuyan ay 3,792 kaso na may kinalaman sa gun violence ang inihain sa mga korte at 1,136 ang ini-refer sa mga prosecutor’s office.
Kamakailan ay pinayagan ng PNP ang mga sibilyan na magkaroon ng semi-automatic high powered firearms matapos na amyendahan nito ang implementing rules and regulations (IRR) ng Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa naturang amyenda, maaari nang magkaroon ng maliit na armas na 7.62 mm at pababa ang isang pribadong mamamayan.
Nabahala naman si Senador Imee Marcos sa naturang polisiya na maaaring magpataas pa sa bilang ng mga krimen, terorismo, arms smuggling at karahasan bago ang 2025 national at local elections.
Hinimok niya na bukod sa pagpigil sa implementasyon ng IRR ay amyendahan mismo ang batas. RNT/JGC