Home SPORTS Yulo tumanggap ng dagdag P20M sa Malacanang

Yulo tumanggap ng dagdag P20M sa Malacanang

MANILA, Philippines – Binigyan ng Malacanang si Carlos Yulo ng karagdagang P20 milyon matapos manalo ng dalawang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics.

Tinapatan ng Malacanang ang mga insentibo na ibinigay ng Republic Act 10699 o ang National Athletes, Coaches, and Trainers Benefits and Incentives Act.

Si Yulo ay mayroon nang P20 milyon mula sa gobyerno sa pamamagitan ng Philippine Sports Commission dahil ang Olympic gold medal ay nagkakahalaga ng P10 milyon sa ilalim ng batas.

Nakuha ni Yulo ang dalawang gintong medalya sa Paris Olympics pagkatapos pamunuan ang floor exercise at vault sa men’s artistic gymnastics.

Ginawaran din ng Malacanang si Yulo ng Presidential Medal of Merit na ibinibigay sa isang indibidwal “para sa pagkakaroon ng prestihiyo para sa bansa sa isang internasyonal na kaganapan sa larangan ng panitikan, agham, sining, libangan, at iba pang larangan ng sibilyan kasama ang sports na nagpapaunlad ng pambansang pagmamalaki at kahusayan sa sining.”

Pinantayan din ng Malacanang ang mga incentives na ibinigay sa mga bronze medalist na sina Nesthy Petecio at Aira Villegas sa pagtanggap ng karagdagang P2 milyon.

Samantala, ang mga non-medalists, bagama’t hindi sakop ng batas, ay binigyan din ng insentibo na nagkakahalaga ng P1 milyon. Nakatakda ring mamigay ng katulad na halaga ang PSC.

“Kahit sinong atleta dito sa Pilipinas o kahit saan man, makapag-qualify lang sa Olympics, mabigat ‘yun. That is an extremely difficult achievement to have managed,” ayon sa inilabas na statement ng Malacanang.

Ang bawat atleta ay nabigyan din ng presidential citation dahil sa pagkilala ng bansa kung gaano kahirap ang mag-qualify sa Olympics.JC