KAHIT didiretso sa kulungan Zaldy Co batay sa kautusan ng Sandiganbayan na dumirinig sa kaso niyang pandarambong at katiwalian, hindi na siya mapipigilang tumestigo sa imbestigasyon sa P1.2 trilyong flood control scandal sa Senate Blue Ribbon Committee.
Hindi rin siya mapipigilang maghain ng demanda laban kina dating Speaker Martin Romualdez at Pangulong Bongbong Marcos…kung gusto niya.
Matatandaang tinanggihan noon ni Senador Panfilo Lacson, pinuno ng Blue Ribbon committee, ang mungkahing pagtestigo o pagiging resource person ni Co sa iskandalo sa pamamagitan ng online o internet dahil bawal umano ito sa patakaran ng Senado at mapigilan ang manipulasyon ni Co nang hindi mahabol at managot.
Ang kanyang karapatang sumagot sa mga bintang sa kanya sa Sandiganbayan ay maaaring mahaluan ng kontra-katwiran at ebidensya at magiging mahalaga rin ito sa sarili nitong bintang kina Romualdez at Marcos.
Tanong: Ano na ang gagawin ni Lacson kung hilingin ng mga senador na tawagin si Co at isama na rin ang 18 ex-Marines at sundalo na maging resource person sa imbestigation in aid of legislation sa P1.2T iskandal?
Ano rin ang gagawin ng mga kongresman kung may mga kongresman na manawagan sa pagiging resource person din ni Co sa Kamara?
Alalahaning hindi kumilos ang mga kongresman sa anomalya at ipinasakamay na lang lahat sa Palasyo, Independent Commission on Infrastructure at Senado ang imbestigasyon sa katwirang hindi magandang tingnan na sila ang mag-iimbestiga sa sariling mga suspek din sa anomalya.
Napakahalagang tanong: Hindi kaya babaliktad si Co o mag-aplay na state witness laban sa kung kanino o tatahimik na lang sa takot na posible nga siyang ipapatay?
Kung totoong ipapatay siya, magandang kunan siya ng deposition o testimonya na iuutos ng korte bago mangyari ito.
Mag-abang na lang tayong lahat kung ano ang mga gagawin ni Co at kaya’y mangyayari sa kanya habang ibinibiyahe siya pauwi ng Pinas o pagdating niya at ilagay siya sa kulungan.






