Home OPINION MAG-INGAT SA HEAT EXHAUSTION AT HEAT STROKE

MAG-INGAT SA HEAT EXHAUSTION AT HEAT STROKE

117
0

ISANG seryosong banta sa kalusugan ng bawat Pilipino ang nararanasang sobrang init ng panahon. Sa mga nakaraang linggo, may mga lugar na nakapagtala ng temperatura na 33°C hanggang 35°C na sinabayan pa ng humidity na umaabot sa 60% hanggang 76%. Sa ganitong kombinasyon, ang heat index ay maaaring pumalo sa 40°C hanggang 52°C—antas ng temperaturang itinuturing na “extreme caution” hanggang “danger” dahil mataas na ang panganib ng heat exhaustion at heat stroke.

Ang matinding init ay isang paalala na kailangang maging handa at disiplinado ang lahat. Halimbawa, sa heat index na lampas 40°C, pinapayuhan na ang limitadong exposure sa labas upang maiwasan ang anomang aberya.

Pinakaapektado ang mga manggagawa sa labas tulad ng mga drayber, construction workers, at delivery riders. Kahit ang mga nasa loob ng bahay o opisina ay hindi ligtas, lalo na kung kulang sa bentilasyon o walang sapat na inuming tubig. Sa ganitong sitwasyon, mahalagang maging maagap at responsable sa pangangalaga ng sariling kalusugan.

Una, ugaliing uminom ng sapat na tubig—hindi lamang kapag nauuhaw kundi regular sa buong araw. Iwasan ang labis na pag-inom ng alak, kape, at matatamis na inumin dahil maaari itong magpalala ng dehydration. Ikalawa, magsuot ng maninipis at magagaan na kasuotan upang madaling makasingaw ang init mula sa katawan. Mas mainam din ang mga damit na may angkop na kulay tulad ng puti o mapuputing shade dahil hindi nito gaanong sinisipsip ang init kumpara sa madidilim na kulay. Ikatlo, kung maaari, iwasan ang paglabas sa pagitan ng alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon kung kailan pinakamataas ang init.

Bukod dito, mahalaga rin ang pahinga. Huwag ipilit ang trabaho kung nakakaramdam na ng pagkahilo, panghihina, o sobrang pagpapawis. Ang simpleng pagpunas ng malamig na bimpo o pagligo ay makatutulong upang mapababa ang temperatura ng katawan. Para sa mga employer, nararapat lamang na magpatupad ng flexible work hours at magbigay ng sapat na pahinga sa mga manggagawa.

Huwag panghinayangan ang implementasyon ng “STOP WORK AUTHORITY” kung kinakailangan. Kinokonsidera natin ang sobrang init ng panahon bilang “imminent danger” sa workplace.

Ang kalusugan ay hindi dapat isakripisyo. Sa tamang kaalaman at pag-iingat, maiiwasan ang panganib at mapananatiling ligtas ang bawat isa sa gitna ng nagbabagong klima.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here