MANILA, Philippines- Sa gitna ng banta ng La Niña, target ng Task Force El Niño ng pamahalaan ang pagtatatag ng impounding facilities o high dams sa mga piling lugar.
Kabilang sa mga lugar na ito ang Zamboanga City.
Bukod sa pagtatatag ng impounding facilities, nakatakda ring magsagawa ang task force ng reassessment sa flood-prone areas sa pamamagitan ng hazard mapping, desilting at dredging ng mga ilog, at craft evacuation plan bilang bahagi ng mitigating measures.
“One of the instructions of the President and the Secretary of National Defense, who is the chairman of Task Force El Niño is to prepare impounding facilities para pag imbakan ng excess water… Sabi ng pangulo dapat magamit po natin ang excess water para po pag kailangan natin ay magamit natin para hindi po tayo magka water crisis,” pahayag ni Task Force El Niño Spokesperson, Assistant Secretary Joey Villarama.
“High dams po yung multipurpose yun po yung imbakan ng tubig, pwede pong may hydropower component, aquaculture component, meron din po tourism component and any among other things,” dagdag ni Villarama.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na detalye kung kailan magsisimula ang proyekto sa lungsod.
Base sa state weather bureau PAGASA, posibleng umiral ang La Niña sa Hunyo hanggang Agosto 2024. RNT/SA